Home Headlines Kooperatiba ng mga small-scale pyrotechnics entrepreneurs sa Bulacan isinusulong

Kooperatiba ng mga small-scale pyrotechnics entrepreneurs sa Bulacan isinusulong

442
0
SHARE

BOCAUE, Bulacan (PIA) — Isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Philippine National Police at ng Pyrotechnics Regulatory Board, ang pagtatatag ng isang kooperatiba para sa mga small-scale pyrotechnics entrepreneurs upang matiyak ang pagsunod sa mga regulasyon.

Iyan ang tinuran ni Gobernador Daniel R. Fernando sa ginanap na ocular inspection sa mga display area ng mga pailaw at paputok sa Barangay Turo sa bayan ng Bocaue.

Pinangunahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang inspeksiyon sa mga tindang pampailaw at paputok ngayong papalapit ang pagsalubong sa Bagong Taon. Dito niya binigyang diin ang napapanahong pagtatatag ng isang kooperatiba para sa mga small-scale pyrotechnics entrepreneurs upang mas mapatibay ang regulasyon. (Provincial Public Affairs Office)

Binigyang diin ng gobernador na layunin nito na mapangalagaan ang trabaho at hanapbuhay ng mga lehitimong gawaan ng paputok at mga pampailaw.

Hindi rin aniya pangsalubong lamang sa Bagong Taon ang mga produktong ito, kundi maging sa iba pang mahahalaga at malalaking okasyon, kaya’t kailangan ng mas matibay na regulasyon na lalagumin sa isang kooperatiba.

Kalakip nito ang pagbalangkas ng mga kasunduan upang ang mga may-ari, manggagawa, paraan ng paggawa at pangangalakal nito ay maitakda.

“Ang maliliit na negosyante ang pinaka apektado ng regulasyon. Kaya , isinusulong natin ang pagbuo ng kooperatiba ng mga small players ng pyro industry. Sa maliliit na negosyante, napapadali ang access sa puhunan, at tulong ng gobyerno, at mas nagiging organisado at ligtas ang produksyon,” ani Gobernador Fernando.

Sa muling pagsalubong sa Bagong Taon ng 2026, tiniyak naman ni Philippine National Police Acting Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez, Jr. ang mas matibay na inter-agency collaboration upang walang maitala o mabawasan ang madidisgrasya dahil sa pagpapaputok.

“Naniniwala ako sa team ng Bulacan, naniniwala ako na sa pakikipagtulungan ng mga stakeholders, maiiwasan ang sakuna at magiging mas regulated ang selebrasyon ng bagong taon,” aniya.

Samantala, muling inulit sa publiko na huwag tangkilikin ang mga iligal na paputok na kinabibilangan ng    Kabase, Binladen, Tuna, Kingkong, Kwiton Bomb, Atomic Bomb, Plapla, Piccolo, Dart Bomb, Coke in Can, Giant Atomic, Goodbye Philippines, Goodbye Chismosa, Carina, Ulysses, Yolanda, at ang Pepito. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here