(Inilahad ni Transportation Undersecretary Timothy John Batan na naglabas na ng imbitasyon ang ahensya para sa mga nais maghain ng panukalang kontrata sa isusubastang Philippine National Railways o PNR Clark Phase 2. Binubuo ito ng tatlong contract packages na magtatayo ng railway viaduct na may habang 53 kilometrong mula sa Malolos hanggang Clark International Airport. Shane F. Velasco/PIA 3 File Photo)
LUNGSOD NG MALOLOS, Marso 7 (PIA) — Naglabas na ng imbitasyon ang Department of Transportation o DOTr para sa mga nais maghain ng panukalang kontrata sa isusubastang Philippine National Railways o PNR Clark Phase 2.
Ayon kay DOTr Undersecretary Timothy John Batan, binubuo ito ng tatlong contract packages na magtatayo ng railway viaduct na may habang 53 kilometrong mula sa Malolos hanggang Clark International Airport o CRK.
Inaprubahan ng National Economic and Development Authority Board ang PNR Clark Phase 2 bilang kauna-unahang airport-railway link o riles na nakadiretso mismo sa isang paliparan sa Pilipinas.
May kabuuang 628 bilyong piso ang proyekto na target matapos at maging operational sa Setyembre 2022.
Kaya nitong magbiyahe ng 550,000 pasahero araw-araw. Magkakaroon ito ng mga istasyon sa Malolos, Calumpit, Apalit, San Fernando, Angeles at CRK.
Ayon sa inilabas na terms of reference ng DOTr, dadaan sa ilalim ng lupa o magiging underground train ang bahagi nito pagdating sa CRK.
Base sa tala ng Department of Finance, may halagang 488 bilyong piso ang gagamitin para sa proyekto na pagtutulungan ng Asian Development Bank o ADB at Japan International Cooperation Agency o JICA.
Sasagutin ng ADB ang halagang 286 bilyong piso upang maitayo ang mga pangunahing istraktura mula sa railway viaducts, tulay at mga istasyon nito habang popondohan ng JICA sa halagang 201 bilyong piso ang para sa pag-assemble ng mga tren at ang electromechanical nito.
Bukod dito, may 140 bilyong piso na sariling pondo ang inilaan ng pamahalaan ng Pilipinas para sa PNR Clark Phase 2.
Samantala, sinisimulan na ang konstruksiyon ng 38 kilometrong Phase 1 mula Tutuban sa Maynila hanggang Malolos. Nagkakahalaga naman ang proyekto ng 149 bilyong piso kung saan 93 bilyong piso ay mula sa JICA. (CLJD/SFV-PIA 3)