LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Hindi mahihinto ang pagtatayo ng New Manila International Airport o NMIA sa Bulacan.
Ito’y sa kabila ng ginawang pag-veto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng panukalang batas na lilikha sa Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, nauna nang napagkalooban ang San Miguel Aero City Inc. ng 50 taong prangkisa para maging konsesyonaryo ng paliparan na itatayo sa 2,500 ektaryang lupain sa bayan ng Bulakan na katabi ng Manila Bay.
Nakapaloob sa prangkisa ang pagbibigay ng palugit na 10 taon upang kumpletuhin ang konstruksyon ng NMIA at pasimulan ang operasyon nito.
Mungkahi ng Gobernador, magandang mabigyan muna ng pag-aaral ang isinumiteng Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport bill at dumaan sa public hearing sa munisipyo at sa Sangguniang Panlalawigan bago muling isumite sa Kongreso.
Giit ni Fernando, ang pag veto ay walang magiging epekto sa mga mamumuhunan dahil marami pang lugar sa lalawigan na maaring paglagakan.
Patunay anya ang ginawang pagbisita ng mga mamumuhunan mula South Korea kung saan ipinakita ang ilang potensyal na paglalagakan tulad ng lupa ng Bulacan State University at ng pamahalaan panlalawigan sa bayan ng Guiguinto.