LICAB, Nueva Ecija – Isang miyembro ng Sangguniang Bayan at limang iba pa ang tinutugis ngayon mga otoridad matapos magpalabas ang hukuman ng warrant of arrest laban sa kanila kaugnay ng pagkakapatay kay Vice Mayor Luisito Caraang noong kasagsagan ng kampanya sa halalang pambarangay 2010.
Ang mga pinaghahanap batay sa warrant of arrest na may petsang May 17, 2011 na inisyu ni Regional Trial Court Branch 31 Judge Isamael Casabar ay sina Kon. Alexander Ventura, residente ng Barangay San Casimiro ng bayang ito at ang kanya umanong mga kasama na sina Francisco Peralta, Jeremy Itan, Virgilio Domingo, Arturo Bernardino and Nestor Soriano.
Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Pagkatanggap na pagkatanggap ng kopya ng warrant of arrest, mabilis na nagtungo sa tahanan ng mga Ventura ang grupo ng mga pulis sa pamumuno ni Senior Insp. Engracio Colosa, Jr., hepe ng pulisya rito, upang isilbi ang kautusan ng hukuman subalit hindi nila dinatnan ang opisyal.
Ayon kay Colosa, pagsapit ng 10 araw ay ibabalik nila ang warrant sa korte ngunit maaari silang humingi ng alias warrant na may bisang habambuhay o hangga’t hindi nadarakip o sumusuko ang pinaghahanap.
Ang nakababatang kapatid ng biktima na si Albert Caraang, pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC), ay nagpahayag naman ng kasiyahan sa pag-usad ng hustisya sa kaso ng kanyang kuya.
Naniniwala umano siya na tuloy-tuloy na ang pagkilos na ito at umaasang magiging huli na ang kaso ng kanyang kapatid sa kasaysayan ng karahasan sa kanilang bayan.
Matatandaan na ang nakatatandang Caraang ay nagja-jogging bandang ika-5:10 ng umaga noong ika-9 ng Oktubre 2010 nang pagbabarilin ng mga di nakikilalang nakamotorsiklong suspek.
Subalit isang testigo ang nakuha umano ng binuong Task Force Caraang na nakapag-salaysay ng mga pangyayari at nag-ugnay kina Ventura at iba pang akusado.
Maliban kay Ventura, ang ibang suspek ay sinasabing miyembro ng Brigade For Justice na umano’y binubuo ng mga dating kasapi ng Red Vigilante Group at Alakdan Group na kapwa nasangkot sa ilang kaso ng gun for hire activities.
Ang kaso laban kina Ventura ay may markang Criminal case No. 2861-G sa Guimba RTC.
Sinabi ni Colosa na bumuo sila ng isang Oplan Caraang sa ilalim ng programang pag-uugnayan ng bawat yunit ng pulisya ni Senior Supt. Roberto Aliggayu, direktor ng Nueva Ecija police provincial office (NEPPO), kaya’t magiging mas mabilis at malawak ang pagtugis sa mga akusado. Sa ilalim ng programa, aniya, ay aktibong katuwang ng lokal na pulisya ang provincial intelligence branch at iba pang sangay ng pulisya.
Umaasa si Colosa na lulutang din si Ventura upang gampanan ang kanyang tungkulin at harapin ang kanyang kaso. “May tungkulin siya at reputasyon na pinangangalagaan,” aniya.
Dumulog naman si Caraang sa Department of Interior and Local Government (DILG) dahil bago pa man umano lumabas ang warrant of arrest ay may apat na beses nang hindi dumadalo sa sesyon ng SB si Ventura.
Kagad tinungo ng Punto! ang tahanan ni Ventura upang makuha ang kanyang panig subalit ayon sa isang kaanak ay nag-aasikaso ito ng kanyang negosyo sa pangangalakal ng palay.