MULA PA sa simula, ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) ay isang komisyong walang ngipin.
Walang subpoena power.
Walang contempt power.
Walang kapangyarihang magsampa ng kaso.
Hindi ito pagkukulang—ito ang mismong disenyo.
Nilikhâ ang ICI hindi para panagutin ang mga sangkot sa katiwalian, lalo na sa Department of Public Works and Highways at malalaking infrastructure projects, kundi para patahimikin ang galit ng mamamayan. Pampalubag-loob, hindi hustisya.
Mas masakit pa, nagmayabang ang ilang opisyal na bago mag-Pasko ay may “big fish” nang makukulong. Lumipas ang Pasko—wala ni isa. Ang pangako ay nauwi sa katahimikan; ang kayabangan, sa kahihiyan.
Kaya hindi na nakapagtataka ang pagbibitiw nina Magalong, Singson, at Fajardo. Ang manatili ay makilahok sa isang palabas. Ang pag-alis ay paninindigan.
Hangga’t komisyong walang kapangyarihan ang sagot ng gobyerno, maliliit lang ang mahuhuli. Ang malalaking isda — protektadong opisyal, at mga nakinabang sa pork barrel—mananatiling malaya.
Ang katiwalian ay hindi nadudurog sa press release.
Ang pananagutan ay hindi dekorasyon.
Kung walang paniningil mula sa mamamayan, walang kusang mananagot.
Ang pananahimik ay pakikipagsabwatan.
Ang pagkalimot ay pahintulot.
At ang pananagutan—kung hindi ipaglalaban—ay hindi kailan man ibibigay.



