Komisyon (er)

    578
    0
    SHARE

    Harapin na natin ang katotohanan na tayo’y marami pang kakaining bigas upang magka-gintong medalya sa Olympics o maging numero uno sa overall ranking sa South East Asian games.

    Maraming problema ang kinakaharap ng mga atleta. Sa katunayan, halos hindi kayang ipagpamilya ang kakarampot, wala sa oras na buwanang sahod nila.

    Ito ay sa kabila ng kanilang pagsusumikap at pagpapakahirap sa pag-eensayo mabigyan lamang ng karangalan ang bansang Pilipinas.

    Maliban dito, madami pang mga isyu tungkol sa kalagayan nila ang atin ng nalaman na. Isa na rito ang lugar na pinag-eensayuhan ng mga atleta kung saan hindi na angkop sa kanilang kalusugan dahil sa lebel ng polusyon na bumabalot sa kalakhang Maynila.

    Kagaya ng sigarilyo, ang usok ng iba’t ibang mga sasakyan (carbon monoxide) ay malakas na makapinsala sa ating mga baga at nakapagpapahina ng ating immune system.

    Wala akong anomang laban sa mga basketbolista dahil sila’y kapwa atleta din. Alam ko na mahirap tanggapin na kahit ano pa ang gawin natin ay mahihirapan tayong manalo para salarangan ng basketball sa international na mga palaro lalo na sa Olympics.

    Oo at makakaya nga natin dahil alam nating bilog ang bola, pero ilang milyon o bilyon pa ang ating kailangang gastusin upang mapalakas ang koponan?

    Ang ibang mga laro na may pag-asang manalo sa Olympics at sa iba pang internasyunal na palaro ay napapabayaan naman at hindi binibigyan ng pansin.

    Sa larong badminton, chess, taekwondo, lawn tennis, sepak takraw, swimming, bowling, boxing, baseball at table tennis, hindi gaanong kailangan ang taas o ang haba ng kamay (reach) upang manalo.

    Talas ng pag-iisip, bilis, kasanayan at galing ang siyang pangunahin sa mga larong ito na siya namang likas na taglay nating mga Pilipino.

    Hindi rin naman tayo gugugol ng napakalaking halaga para sa mga larong ito kagaya ng paggugol sa basketball. Ang isang koponan sa table tennis ay nangangailangan lang ng apat na miyembro samantalang sa basketball ay 15 kaagad. Ganun din naman sa badminton na apat din ang kailangan.

    Hindi ko sinasabi na pabayaan na ang basketball pero dapat na bigyang pansin ang mga laro kung saan tayo uusad, kung saan mayroon tayong malaking pagasa na manalo.

    Sa aking pakikipagusap sa mga kaibigang atleta, isang bagay ang kanilang idinadaing – “kulang kami sa exposure sa ibang bansa”. Anila, kulang ang suportang ibinibigay ng pamahalaan sa kanila at hindi naman nila kayang tustusan ang lahat ng gastos upang makapag-ensayo at makapaglaro sa ibang bansa.

    Naalala ko tuloy ang isang panayam sa dati kong hinahangaang atleta, isang manlalangoy – si Eric Buhain.

    Noong una ay nangunguna at namumuno siya sa pakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga atleta. Subalit nang siya ay maupo na bilang komisyuner ng Philippine Sports Commission o PSC, tila ibang komisyon na ang kaniyang inatupag.

    Mahahalata ito sa kaniyang mga sagot sa interview noon, mga ilang taon na ang lumipas. Aniya, hindi umano dapat gawing bread and butter ng mga atleta ang paglalaro o ang pagiging miyembro sa Philippine Team.

    “Ano kamo?” ang aking biglang reaksyon sa kanyang pahayag habang pinapanood ko siya sa telebisyon. Lahat ng oras ng kanilang (mga atleta) buhay ay kanilang ginugol sa pag-eensayo at paglalaro pagkatapos ay hindi nila ito gagawing bread and butter?

    “Ikaw nga ba yan Mr. Buhain?” ang aking pasigaw na tanong habang nanonood sa aking pagkadismaya.

    Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming mga atleta natin ang sumuko na at pinili na lamang na magtrabaho, mangibang bansa at magnegosyo kesa tuluyang magutom bilang mga premyadong manlalaro ng ating bansa.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here