Home Headlines Koleksyon ng Kapitolyo sa Quarrying sa Bulacan, tumataas

Koleksyon ng Kapitolyo sa Quarrying sa Bulacan, tumataas

597
0
SHARE
Ipinapaliwanag ni Julius Victor Degala, pinuno ng Bulacan Environment and Natural Resources Office, ang mas pinaigting na mga hakbang ng Kapitolyo upang mapalakas ang koleksyon mula sa industriya ng quarrying. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Napataas ng Kapitolyo ang koleksyon ng mga quarrying fees sa Bulacan sa nakalipas na dalawang taon.

Ayon kay Bulacan Environment and Natural Resources Office o BENRO Head Julius Victor Degala, mahigpit na ipinatupad ang pagkolekta ng quarrying fee base sa dami ng mga nakukuhang graba, buhangin at mga uri ng mga bato base 2018 Revised Provincial Revenue Code at 2011 Revised Provincial Environment Code.

Noong taong 2020 sa kabila ng kasagsagan ng pandemya, nakapagkolekta ang BENRO ng nasa 43.2 milyong piso.

Umangat naman sa 59.5 milyong piso noong 2021 at tinatayang aabot sa 60 milyong piso ngayong 2022.

Pangunahin sa mga hakbang na isinagawa ng BENRO ay ang pagkakaroon ng regular at mas pinahigpit na mga checkpoints.

Kabilang dito ang pagmamatyag sa mga pangunahing ruta at mga patagong lagusan na dinadaanan ng mga trak mula sa mga kabundukan at mga kailugan sa Bulacan.

Ipinaliwanag ni Degala na partikular na hinahabol ng BENRO ang labis na paghahakot at paghuhukay ng nasabing mga materyales habang hindi nababayaran ang angkop na quarrying fee.

Dapat aniyang akma sa itinakdang sukat ng bawat materyales na nakukuha ang ibinabayad. Iba pa riyan ang pagtugon sa usapin ng overloading na nagreresulta sa labis na pagkasira ng mga kalsada sa Bulacan.

Base sa 2018 Revised Provincial Revenue Code, sa bawat 20 cubic meters na nakukuhang mga buhangin at graba ay pinapatawan ng quarry tax na 25 piso sa banday-banda, 50 piso sa pebbles, 30 piso sa boulders at 28.60 piso sa base coarse na pawang mga uri nito. Nilagyan ito ng tig-limang piso na enhancement fee.

Para sa mga Marbleized Limestone, kung scrap na nasa 2.49 cubic meters pababa ay may 800 piso na quarry tax, isang libong piso para sa Semi-block na 2.50 hanggang 3.49 cubic meters, 1,500 piso sa Block na 3.50 cubic meters pataas at apat na libong piso naman sa Tearose.

Aabot sa 60 piso ang nakatakdang enhancement fee sa mga ito.

Sa Limestone, nasa 35 piso ang bawat 24 metric tons ng Cement at Pulverizing habang nasa 20 piso ang bawat 24 cubic meters ng Limestone waste.

Ang enhancement fee ng mga ito ay nagkakahalaga ng 10 piso.

Ang Silica na cement ay 30 piso kada 24 metric tons na may 10 piso na enhancement fee habang 35 piso naman ang bawat 24 metric tons ng Ceramics nito na 15 piso ang enhancement fee.

Sisingil naman ng 15 piso sa kada 20 cubic meters na filling materials at 20 piso sa kada 20 cubic meters na riprapping na pawang mga uri ng Escombro kung saan tig-limang piso na enhancement fee.

Ang pagkuha ng Basalt ay 45 piso ang kada 20 cubic meters at 10 piso sa kada 20 cubic meters na Ordinary Earth Materials na may tig-limang piso na enhancement fee.

Sa mga Clay materials, ang bawat 24 metric tons ay pinatawan ng quarry fees gaya ng 200 piso sa Zeolite, 75 piso sa Black clay, 65 piso sa White clay, tig 40 piso sa Bentonite at Ball clays na nasa 10 piso ang mga enhancement fee.

Ang Kaolin ay 40 piso din kada 20 cubic meters na 20 piso naman ang enhancement fee.

Nagkakahalaga ng 100 piso ang bawat 24 metric tons ng Feldspar na may 10 piso na enhancement fee habang ang Skull Rock ay isang libong piso ang quarry fee sa bawat 10 metric tons na may 10 piso na enhancement fee.

Kaugnay nito, sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na patunay ang epektibong kolekiyon ng mga quarry fees na seryoso ang pamahalaang panlalawigan na pangalagaan ang likas na yaman habang pinapakinabangan sa tamang paraan para sa kapakanan ng mga Bulakenyo.

Samantala, bagama’t umaangat ang koleksyon mula sa quarry fees, target ng BENRO na mas mapataas pa ito upang ganap na makinabang ang mga Bulakenyo sa Quarrying industry sa lalawigan na ngayo’y nasa isang bilyong piso na ang halaga.

Sa inisyal na pagtataya ng BENRO, nasa 215 na ektarya ng lupa sa Bulacan ang may aktibong quarrying na pinahihintulutan ng Kapitolyo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here