KNEELING CARABAO FESTIVAL
    1,000 kalabaw lumahok, magsasaka nagpasalamat

    454
    0
    SHARE

    Humigit kumulang sa 1,000 kalabaw ang tampok sa taunang Kneeling Carabao Festival sa Pulilan, Bulacan noong Lunes (Mayo 14).

    Photo by Dino Balabo

    PULILAN, Bulacan – Sa kabila ng pinsalang hatid ng bagyong Pedring at Quiel noong nakaraang taon, halos 1,000 magsasaka kasama ang kanilang kalabaw ang lumahok sa taunang Kneeling Carabao Festival sa bayang ito kahapon.

    Ang paglahok ng mga magsasaka ay hindi lamang upang manalangin para sa mas masaganang ani sa huling bahagi ng taon, kundi bilang pasasalamat sa magandang ani nitong nakaraang buwan.

    Para sa kanila, bahagi ito ng maagap na subsidiya ng gobyerno sa mga magsasaka mula sa mga bayang lumubog sa malalim na pagbaha.

    “Maganda ang ani namin niting Abril, ani Rolando Cabrera, isang magsasaka mula sa Barangay Sto. Cristo ng bayang ito.

    Sinabi niya na mapalad ang mga magsasaka sa kanilang barangay dahil may naisalba pang pananim matapos manalasa ang pagbahang hatid ng mga bagyong Pedring at Quiel.

    Ngunit hindi lahat ay kasing palad nila, dahil ang pananim ng ibang magsasaka ay tuluyang nalusaw, tulad sa Barangay Inaon ng bayang ito.

    “Naghabol-tanim na lang sila matapos yung baha, pero sayang din dahil aanihin na lang yung palay ng mabaha sila,” ani Cabrera.

    Ikinuwento niya na matapos ang pagbaha ay nakatanggap sila ng ayuda mula sa pamahalaang panlalawigan kaya nakapagtanim din sila agad.

    “Nauna sa aming makapagtanim yung sa gawi ng Inaon, kasi inani pa namin yung natira sa amin, saka pa lang kami uli nagtanim para sa second cropping season,” aniya.

    Ang second cropping season sa pagtatanim ng palay ay nagsisimula sa huling mga buwan ng taon, at inaani sa sa unang mga buwan ng susunod na taon.

    Ang pahayag ni Cabrera ay inayunan din ni Melencio Domingo, ang taga-pangulo ng Malolos City Agriculture and Fisheries Council (MCAFC).

    “Hindi kasi pwedeng tumigil ang magsasaka, kailangan magpatuloy, kahit ipangutang yung susunod na itatanim,” ani Domingo.

    Sinabi niya na katulad sa mga nagdaang pananalasa ng mga kalamidad sa lalawigan, pinilit agad ng mga magsasaka na makabangon.

    “Kailangan lang manalig sa Diyos, hindi naman namin mapipigilan ang mga natural calamities, talagang sa Diyos pa rin aasa ng proteksyon at patnubay,” ani Domingo.

    Sinabi pa niya na ang pananaw na ito ang isa sa mga dahilan kaya’t maraming magsasaka ang lumalahok sa taunang Kneeling Carabao Festival.

    “Siyempre, kasama sa pasasalamat ay yung dasal na sana ay umani ng maganda sa susunod na taniman para makabawi,” ani Domingo.

    Kaugnay nito, sinabi ni Gloria Carillo, hepe ng panlalawigang tanggapan ng pagsasaka na ang mga magsasaka na mula sa mga bayang lumubog sa baha ay pinagkalooban ng mga certified seeds.

    Ito ay bahagi ng programa para sa rehabilitasyon sa kabukiran matapos ang bahang hatid ng magkasunod na bagyo.

    Bukod sa mga binhi, sinabi ni Carillo na nagkaloob din ang Department of Agriculture ng mga makabagong kagamitan sa pagsasaka para sa mga samahan ng mga magsasaka.

    Kabilang dito ay ang mga automatic drum seeder, hand tractor, thresher at iba pa.

    Ayon pa kay Carillo, umabot sa 5.22 metriko tonelada ng palay ang inani ng mga magsasaka sa bawat isang ektarya ng bukirin sa Pulilan.

    Matatandaan na matapos manalasa ang bagyong Pedring at Quiel sa Bulacan noong Oktubre ay iniulat ng pamahalaang panlalawigan na umabot sa mahigit P2.5-bilyon ang pinsala ng kalamidad sa Bulacan.

    Halos kalahati ng nasabing halaga at ang pinsalang naitala sa pagsasaka.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here