LUNGSOD NG BALANGA — Pansamantalang sinuspinde ni Gov. Albert Garcia ang lahat ng klase, pampubliko at pribado (modular, blended at online), ngayong Lunes sa buong Bataan dahil sa masamang panahon dulot ng bagyong Quinta.
Sinabi ng governor na ang suspension ay naglalayong masiguro ang kaligtasan ng mga guro, magulang at mag-aaral sa pagkuha o pagbibigay ng mga school modules.
“Take necessary precautions and stay safe,” sabi ni Garcia sa kanyang mga kababayan.
Iniulat ngayong Lunes ng umaga ng provincial disaster risk reduction management office na ang lalawigan ay dumaranas ng mahina hanggang katamtamang lakas ng ulan at pabugso-bugsong mahinang hangin.
Wala naman umanong baha o landslide base sa kanilang monitoring at report ng municipal disasater risk reduction management office sa 11 bayan at isang lungsod sa lalawigan bagama’t medyo lumakas ang ulan Linggo ng gabi.
Sa Mariveles, sinabi ng MDRRMO na ang bayan ay dumaranas ng mahina hanggang katamtamang lakas ng ulan at paminsan-minsang mahinang hangin na nagpalaki ng mga alon sa barangay Porto at Biaan.
Isa umanong katamtamang laki ng puno ang bumagsak kagabi sa tabi ng kalsada sa Barangay Baseco ngunit wala namang nasaktan o nasirang ari-arian.