Klase kanselado dahil sa sigalot sa paaralan

    632
    0
    SHARE

    STA. MARIA, Bulacan – Hindi bagyo o baha ang naging dahilan upang kanselahin ang klase sa isang paaralan sa bayang ito mula pa noong Huwebes ng hapon.

    Sa halip ay sigalot sa pagitan ng namamahala at may ari ng gusaling inuupahan ng Colegio de San Juan Bosco na magtatagpuan sa Barangay Pulong Buhangin ng bayang ito.

    Kanselado ang klase sa nasabing paaralan mula pa noong Huwebes ng hapon matapos itong ikandado ni Dionisoa Alejo, may ari ng gusali, at putulin ang supply ng kuryente at tubig.

    Pagkatapos ay nilagyan pa ng paskil sa gate ng paaralan na nagsasabing “NO TRESSPASSING”.
    Dahil dito, nagalit ang mga magulang at mag-aaral.

    Ayon kay Eliz Solomon, pangulo ng Parents and Teachers Association, hindi dapat maapektuhan ang pag-aaral ng kanilang mga anak sa anumang sigalot na namumuo sa pagitan ni Alejo at Ulysses Barcial, ang administrador ng paalaran.

    Sinabi ni Solomon na natakot din ang mga estudyante ng tumayo sa entablado noong Huwebes ng hapon si Alejo at sinabing puputulin na ang supply ng kuryente at wala ng eskwelahan ang mga estudyante.

    Ito daw ay isang harassment sa mga estudyante kayat plano nilang sampahan ng kaso si Alejo.

    Ayon naman kay Alejo, aminado siya sa kanyang drastikong pagkilos ngunit aniya, ito lamang ang kanyang paraang naisip upang agad na iparating sa DepEd ang sigalot sa kanilang paaralan.

    Matagal na daw niya itong idinulog sa DepEd ngunit walang naging malinaw na pagtugon ang nasabing ahensya.

    Aniya, hindi binabayaran ng school administrator na si Barcial ang kuryente at tubig ng paaralan, kaya’t hanggang ngayon ay siya pa rin ang nagbabayad.

    Iginiit pa niya na maging ang mga guro ng eskwelahan ay hindi pa rin sumasahod kayat ito ang kanyang naisip na paraan upang resolbahin ang problema.

    Hindi daw kasi malinaw kung sino ang may-ari ng eskwelahang umupa sa kanya. May gulo sa pagitan ni School Administrator Ulyses Barcial at Jocelyn Gaje.

    Humihingi siya ng paumanhin sa mga magulang at mga estudyante dahil sa kanselado ang klase dito hanggang hindi aniya natutuldukan ng DepEd kung sino talaga ang may-ari ng nasabing eskwelahan.

    Ayon naman kay Barcial, siya na ang nangangasiwa sa eskwelahang ito at hindi na si Gaje.

    Naibenta na daw sa kanya ni Gaje ang nasabing eskwelahan ngunit ng napalakas daw niya ang operasyon nito ay bigla na lamang nanghimasok.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here