Kita sa paputok balik puhunan lang

    453
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Halos naibalik lang ang puhunan ng mga manggagawa ng paputok sa Bulacan sa nagdaang taon kahit nagkaubusan ng produkto bago matapos ang 2008.

    Ayon sa mga opisyal ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Inc., (PPMDAI) na nakabase sa Bulacan, tinatayang umabot lamang sa 10 porsyento ang itinaas ng kanilang benta sa nagdaang taon.

    “Mababa ang production nitong 2008, kaya sold out ang produkto sa Bocaue sa kabila ng kampanya ng  DOH (Department of Health),” ani Celso Cruz, ang tagapangulo ng PPMDAI.

    Iginiit niya na ang mababang produksyon ay nagresulta sa mababang benta.

    Gayundin ang naging pahayag ni Vimmie Erese, ang presidente ng PPMDAI na nagsabi rin na ang mga retailer sa labas ng Bulacan ay hindi nakaubos ng paninda.

    “Kawawa yung sa Metro Manila at other parts of the country, kasi halos 50 percent ang natira sa kanilang paninda,” ani Erese.

    Ayon kay Erese, bukod sa mababang produksyon nitong 2008 ay nakaapekto rin ang pagbuhos ng ulan sa mga huling araw ng 2008 sa kanilang benta.

    “Umulan kasi before and during New Year, “aniya.

    Hinggil sa mababang produksuyon, sinabi niya na iyon ay bunsod na rin ng mataas na presyo ng pulburang gamit sa paggawa ng paputok.

    Inihalimbawa niya na noong Enero 2008, ang presyo ng isang bag ng potassium nitrate na may timbang na 50-kilo ay umaabot lamang ng P1,250, ngunit pagdating ng buwan ng Hunyo, tumaas ang halaga nito sa mahigit P5,000 bawat bag.

    “Sobra ang taas ng raw materials kaya halos 10 percent lang increase sa sales kahit halos nadoble ang presyo ng paputok before New Year,” sabi ni Erese.

    Ayon naman sa ibang manufacturers, ang halos 10 porsyentong dagdag sa benta sa taon 2008 ay halos balewala kumpara sa kanilang benta noong 2007 na nagtapos sa malakas ng pagsabog ng mga tindahan ng paputok sa bayan ng Bocaue.

    Kinumpirma din nila ang naunang pahayag ni Erese na halos 50 porsyento ng lisensyadong manufacturers ng paputok ang hindi gumawa sa nagdaang taon.

    Ayon sa kanila, karaniwan sa mga nagsigawa ay nangutang lamang ng puhunan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here