Kayamanan ng mga mahistrado ng Korte Suprema dapat ihayag

    315
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Iginiit ni Senador Jinggoy Estrada ang transparency sa mga mahistrado ng Korte Suprema sa pamamagitan ng paglalahad ng statement of assets and liabilities and networth (SALN) ng mga ito.

    Ayon kay Estrada, ayaw ng mga mahistrado na ilahad ang tunay na halaga ng ari-arian samantalang ang mga ito ay mga lingkod bayan din tulad ng Pangulo ng Republika, mga Senador, Kongresista at mga opisyal ng pamahalaang lokal.

    Ang paglalahad halaga ng aria-arian o SALN ng mga opisyal ng pamahalaan ay itinatakda ng batas, at ayon sa Senador nararapat lamang usisain ang mga mahistrado.

    “Ayaw nilang i-disclose sa publiko, iyan ang dapat usisain nating mabuti, dapat lahat kahit sino, kahit Presidente, kahit Supreme Court Chief Justice o Associate Justice, kailangang i-disclose nilang lahat ang kanilang kayamanan,” ani ng Senador.

    Sinabi din niya na ang mga Senador na tulad niya, mga kongresista at lokal na opisyal ay naglalahad ng kanilang SALN kaya’t nararapat din lamang na ihayag ng mga mahistrado ng Konrte Suprema ang kanilang kayamanan.

    “Hindi lamang mga senador, hindi lamang  mga mga congressman, hindi lamang mga local officials,  kasama dapat ang mga miyembro ng judiciary,” ani Estrada.

    Ang pahayag ni Estrada ay naganap matapos na siya ay magsilbing panauhing tagapagsalita sa ika-112 guning taon ng pagbubukas ng Kongreso ng Malolos sa makasaysayang simbahan ng Barasoain noong Miyerkoles ng umaga.

    Ang Kongreso ng Malolos na binuksan noong Setyembre 15, 1898 ay nagsilang sa tinaguriang Malolos Constitution at sa kauna-unahang demokratikong republika sa buong Asya.

    Kaugnay nito, nagpahayag din si Estrada ng kalungkutan sa plano ng Malakanyang na bawasan ang pondo para sa hudikatura ng bansa sa susunod na taon.

    “Balita ko pati yata allowance babawasan sa miyembro ng hudikatura. Malaking kawalan sa hudikatura, sa experience ko as mayor of San Juan, nagbibigay pa ako ng dagdag allowance to judiciary” aniya.

    Idinagdag pa niya na sa paglilingkod niya bilang alkalde ng San Juan sa Metro Manila ay sinuportahan niya ang mga kasapi ng hudikatura dahil sa kapos sa pondo ang mga ito.

    “Pati yung Justice Hall sa San Juan, ako na nagpagawa nung mayor ako, dahil walang masyadong pondo ang judiciary nung araw,” ani Estrada.

    Una rito, nagbabala ang mga huwes sa bansa na magsasagawa ng mass leave dahil sa panukalang bawasan ang pondo nila sa susunod na taon.

    Ngunit ayon sa Malakanyang, ang babawasan lamang ay ang dagdag na pondo para sa hudikatura na ang katumbas ay limang porsyento ng 10 porsyentong dagdag na pondo bawat taon.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here