Kayamanan ng mga kandidato

    326
    0
    SHARE
    Lahat ay nakatuon ang atensyon sa mga pulitikong kakandidato sa pagkapangulo sa 2010 elections. Kaya naman ang isipan ng bawat isa ay nakatuon sa kung sino ang nangunguna sa mga survey, at kung sino ang magsasanib puwersa.

    Iyan ang personality centered politics na siyang tinututukan ng natioal media, sa halip na bigyang pansin ang iba pang makahulugang bahagi ng buhay pulitika.



    Nakakabahala rin ang minsa’y naging pahayag ni Senador Manuel Villar na tinaguariang “One Billion Peso Challenge” kung saan ay sinabi niya na kung walang salaping may halagang P1-B ang isang kandidato sa pagkapangulo ay hindi na dapat kumandidato.

    Para sa marami, partikular na hanay ng maralita at mga mamamahayag, ang pahayag ni Villar ay isang palatandaan ng pagiging arogante.



    Ito ay dahil sa lumalabas na ang paglilingkod bayan ay nalalayo na sa prinsipyo at kapakanan ng mamamayan.

    Para sa mga taong may paninindigan, malinaw ang kuwalipikasyong itinakda ng Saligang Batas sa sinumang nais maging pangulo ng bansa, at hindi kasama doon ang pagkakaroon ng limpak-limpak na salapi.



    Simple ang kuwalipikasyong itinakda ng Saligang Batas sa mga kakandidato sa pagkapangulo. Natural born citizen, literate, at registered voter na nakatira sa bansa.

    Tagalugin natin. Ipinanganak sa bansa, marunong bumasa at sumulat at rehistradong botante.



    Kung tutuusin, kahit ikaw at ako ay maaring kumandidato sa pagkapangulo kung ikaw at ako ay nasasaklaw ng nasabing kuwalipikasyon.

    Ngunit para naman sa Comelec, dalawa ang uri ng kandidato. Yung tunay na kandidato na may kakayahang magsagawa ng kampanya sa buong bansa, at yung nuisance candidate na wala daw kakayahang magsagawa ng kampanya dahil walang sapat na pera at partidong tutulong.



    Para naman sa mga mamamahayag, ang mga katagang ‘nuisance candidates” ay oxymoron o redundant o salitang inuulit, dahil ang lahat daw ng kandidato ay “nuisance.”

    Sa isang banda ay may punto ang pananaw na karammihan kung hindi man lahat ng kandidato ay nuisance. Kasi daw ay wala namang plataporma at kung mayroon man, hindi naman ginagawa kaya nakakainis.



    Isa sa mga isyu na nakakalimutan ng mga mamamahayag sa panahon ng kampanya sa halalan ay ang kayamanan o self worth ng mga kandidato partikular na yung matatagal na sa larangan ng pulitika.

    Mahalagang suriin ito upang malaman kung saan sila kumukuha ng panggastos sa kampanya.



    Batay sa tala na naipon ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), patuloy ang paglago ng kayamanan ng limang pangunahing kandidato sa pagkapangulo, kung saan ang ilan ay nagsimula bilang kongresista at kasalukuyang senador.

    Kapansin-pansin ang paglago ng kanilang kayamanan dahil ang buwanang suweldo ng isang kongresista at senador ay P35,000, samantalang ang Pangulo ay P45,000 kada buwan, bukod pa sa katotohanang mula huling bahagi ng dekada 90 ay naghihingalo ang ekonomiya sanhi ng krisis.



    Narito ang tala ng PCIJ hinggil sa networth ng mga kandidato batay sa kanilang statement of assets, liabilities and networth (SALN).

    Senador Manny Villar: P75.3-M (1992); P324.4-M (1998); P405.5-M (2001); P921.3-M (2007).

    Senador Chiz Escudero: P2.5-M (1999); P6.5-M (2005).

    Senador Mar Roxas: P12.7-M (1993); P23.5-M (P1995); P55.8-M (1998); P76.8-M (2002); P50-M (2004); P140.3-M (2006).

    Senador Loren Legarda: P103-M (1998); P106.7-M (2001), P103.5-M (2003).

    Vice President Noli De Castro: P23.6-M (2000); P25.2-M (2001); P51.3-M (2004); P51.7-M (2005)

    Senador Richard Gordon: (P24.9-M (2005).



    Kayo na po ang bahalang humatol sa mga pulitikong nabanggit. Sana, kung papasyal sa inyong lugar ang mga nasabing pulitiko ay pakitanong ninyo sila kung paano lumago ang kanilang kayamanan.

    Tandaan natin, na ang mga tala na nabanggit sa itaas ay batay sa kanilang SALN na kanilang isinusumite bilang mga lingkod bayan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here