LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Kinilala ang mga kooperatiba sa Bulacan na naghandog ng mga kawang-gawa at hindi matatawarang pag-agapay ngayong pandemya.
Ito ang sentro ng muling pagdaraos ng Gawad Galing Kooperatiba ng pamahalaang panlalawigan.
Ayon kay Provincial Cooperative and Enterprise Development Office spokesperson Jerry Caguingin, itinanghal na Cooperative Awards for Continuing Excellence dahil sa pagiging Hall of Fame ng Gawad Galing Kooperatiba ngayong 2022 ang Kapit-Bisig sa Pag-unlad Multipurpose Cooperative ng Pandi.
Ito’y dahil sa pagbibigay ng iba’t ibang uri ng tulong sa mga pinaka nangangailangan nitong pagpasok ng pandemya kahit sa mga hindi nila kasapi.
Kabilang diyan ang pagkakaloob ng mga groceries, manok, itlog. Bukod dito, nagpatayo sila ng community store na nagsilbing pangmatagalang tugon para mas maraming mamamayan ang magkaroon ng pagkakataon na makabili ng mga abot-kaya na mga bilihin.
Iba pa rito ang mainam na pangangasiwa ng board nitong Kapit-Bisig sa Pag-unlad Multipurpose Cooperative sa larangan ng organizational at financial.Ginawaran naman ng Golden Year Award ang St. Martin of Tours Multipurpose Cooperative ng Bocaue sa kanilang nakalipas na pagdiriwang ng Ika-50 Ginintuang Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag noong 2020.
Ngayon ito pormal na naigawad makalipas ng dalawang taon dahil sa pagtama ng pandemya.
Kaugnay nito, pinarangalan din ng Natatanging Bayanihan ng Kooperatiba sa Panahon ng Pandemya sa Micro Scale Category ang Rabbit Raisers and Meat Producers Cooperative.
Para sa Medium Scale Category, ginawaran ng Natatanging Bayanihan ng Kooperatiba sa Panahon ng Pandemya ang PAGUNOVA Transport and Multipurpose Service Cooperative, Catholic Servants of Christ Community Multipurpose Cooperative at ang Marilao Municipal Employees Multipurpose Cooperative.
Sa Large Scale Category, ibinigay ang Natatanging Bayanihan ng Kooperatiba sa Panahon ng Pandemya sa Sta. Monica of Bustos Multipurpose Cooperative at Palayan sa Nayon Multipurpose Cooperative.
Samantala, hinikayat ni Gobernador Daniel Fernando ang mahigit 380 na mga aktibong kooperatiba sa Bulacan na patuloy na tumulong sa pagbangon ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga anak ng kasapi o sa mga kabataan na matutong magsimula na makapag negosyo.
Aniya, sa halagang mula dalawa hanggang apat na libong piso ay maaari nang makapagsimula ng sariling negosyo ang isang kabataan habang nagsusumikap sa pag-aaral.
Partikular din na dapat mahikayat ang mga kabataan ay magkaroon ng malaking interes sa pagsasaka at pangingisda.
Tiniyak naman ng gobernador na may mga kinausap ang kanyang tanggapan na mga malalaking pribadong kumpanya upang magkaloob ng paunang puhunan mula halagang isa hanggang 100 milyong piso para sa mga magtatayo ng bagong kooperatiba. (CLJD/SFV-PIA 3)