DI KAYA sobra na ang Rentas Internas
kung pati na itong sa Titsers pambayad
ng Comelec para sa ekstrang pagganap
bilang ‘poll watchers’ ay kakaltasan ng ‘tax’?
Kapiranggut na nga itong inilaan
para sa serbisyo nilang gagampanan,
na may kakambal na peligro kung minsan,
ang limang libo ba’y dapat pang buwisan?
Na kung tutuusin ay napakaliit
na halaga para n’yan isapanganib
ang kanilang buhay – sino ang hihirit
sa katayuhan n’yan papayag pumalit?
Kung saan ay di lang beinte kuatro oras
magtatrabaho nang halos walang puknat
itong mga Titsers, na ang kaakibat
nito’y sobrang pagod at matinding puyat?
Kung kayo kaya riyan na taga BIR,
partikular ang mga Komisyoners diyan,
papayag ba kayong sa limang libo lang
magtrabaho kayo ng ganyan katagal?
Di tayo kontra sa higpit kung maningil
ng kaukulang ‘tax’ ang BIR natin,
pero huwag namang pati ang katiting
na ekstrang kita lang kailangang awasin.
Alam namin na ang inyong adbokasya,
makapaningil ng malaking halaga,
ano’t sa ‘taxpayers’ diyan na kagaya
nitong may malaking negosyo talaga.
Na ang may-ari ay mga bilyonaryo
at ‘multi-millionaires’ na tulad ni Lucio,
Henry Sy, Gokongwei, Ayala, Cojuangco,
Ramon Ang, MVP, Villar at Andrew;
At itong iba pang ubod na ng yaman
ay nakukuha pang dayain kung minsan
ang BIR sa di pagbigay ng tamang
‘receivables’ nilang marapat buwisan.
Pero ano’t sa ‘ting kakarampot na nga
ang kita kung minsan sa ekstrang ginawa
binubuwisan pa? Nagiging kawawa
lalo ang buhay ng mga manggagawa.
Nangyari na mismo sa akin ang ganyan
nang may ipa- ‘translate’ ang NCCA minsan
‘Thru a professor of AUF,’ kung saan
ako itong kwenta nag-‘edit’ din naman;
Sa aklat na gawa ng isang batikang
makata ng lipi nitong lalawigan,
na ipinasalin sa ating pambansang
wika – ako itong lubhang nalamangan;
Pagkat di nabigyan ng ’due recognition’
ang naging papel ko, na di lang ‘translator’
kundi nagsilbi rin naman ‘as editor,’
10k nga lang ang bigay na ‘honorarium,’
Ya’y kinaltasan pa ng di lamang yata
ng singko (5 %) porsyento kaya awang-awa
ako sa sarili’t muntik maisumpa
itong BIR sa kanilang ginawa!
Ang nangyari sa ‘kin walang kinalaman
sa isyu – kundi ang dapat bang buwisan
sa BIR, itong lilimang libo lang
na para sa Titsers? Sana ay huwag naman!