Home Headlines Kauna-unahang college of medicine sa NE binuksan

Kauna-unahang college of medicine sa NE binuksan

684
0
SHARE

LUNGSOD NG CABANATUAN — Bukas na para sa mga nais kumuha ng kursong medisina ang kauna-unahang college of medicine sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ayon kay retired Judge Benjamin Turgano, presidente ng Wesleyan University – Philippines (WU-P) sa lungsod na ito, kanilang inilunsad ang WU-P College of Medicine bilang katuparan ng mahigit 10 taon nang pangarap na makapag-alok ng edukasyon na makakayanan ng mga estudyante para sa mga nagnanais mag-medisina.

Ang WU-P College of Medicine ang pangalawa pa lamang na paaralan ng medisina sa Gitnang Luzon, ang una ay ang sa Angeles University Foundation sa Angeles City. Naging posible, aniya, ito sa suporta ng Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center (PJGMRMC), isang ospital na pag-aari ng pamahalaan.

"We have to do everything to ensure that the delivery of education here… is a quality education, that we gather the best faculty members to do this," ani Turgano nang tanungin kung bakit maaaring magtiwala sa nagsisimula pa lamang na kolehiyo sa medisina.

Kabilang sa mga pangunang faculty members ng kolehiyo ay nagmula sa Saint Louis University sa Baguio City at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Nagtulong-tulong sila at mga university vice presidents para sa paglikha ng faculty development plan para sa mga local professors sa Nueva Ecija, ayon kay Dr. Lawrence de Guzman, medical director ng WU-P Hospital. "This will enable them to become qualified lecturers for the college of medicine," ayon sa kanya.

Bukod sa mas maliit na gastusin sa pag-aaral, isang malaking kabutihan ng lokal na paaralan ng medisina ay ang di-pagkakawalay ng estudyante sa kanyang pamilya, ayon kay Turgano. 

"They have the moral support of their parents while studying kasi very demanding ang medical education. Talagang umaga't hapon, gabi, napupuyat 'yung bata kasi sa dami ng babasahin kaya malaking bagay na hindi siya mawawalay sa kanyang mga magulang na sandigan ng bata habang siya'y nag–aaral," dagdag pa niya.

Upang mabigyang-pagkakataon ang mga mahihirap ngunit may kakayanang estudyante ay nakikipag-ugnayan ang paaralan sa mga lokal na pamahalaan at mga organisasyon na maaaring magbigay ng scholarship sa kanila.

Ikinagalak ng sektor ng medisina ang pagbubukas ng kolehiyo lalo't kulang na kulang pa rin anila ang bilang ng mga duktor sa bansa.

Ayon kay Dr. Maria Minerva Calimag, presidente ng Philippine Medical Association, karamihan pa sa mga duktor ay nasa siyudad bagama't mayroon iba na sadyang nagtitiis na maging "doctor to the barrios." 

Maraming lugar sa bansa, ayon kay Calimag, ang kinakailangan pang sumakay sa bangka ng pasyente, upang makarating sa manggagamot. Naniniwala siya na hanggang sa ngayon ay may mga tao pa rin na namamatay na hindi natitingnan ng duktor.

Mas maraming magtatapos at magiging duktor ay nangangahulugan ng mas mabuting serbisyong medikal sa taumbayan, ayon kay Dr. Ma. Teodora Buenaventura, presidente ng Association of Municipal Health Officers of the Philippines.

Nagbabalik-serbisyo mula sa tatlong beses nang retirement sa edad na 77 ang dean ng kolehiyo na si Dr. Elizabeth Dacanay samantalang college secretary si Dr. Nikaela Oreiro.

Nagpahayag din ng suporta sina Dr. Huberto Lapuz, medical center chief ng PJGMRMC; Dr. Rolando Gerardo dela Cruz, president, Nueva Ecija Medical Society; Dr. Sylvia Yang, at iba pang mga mangagamot sa lalawigan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here