Home Headlines Katuturan ng mga panulat ni Plaridel sa panahon ngayon, tinalakay

Katuturan ng mga panulat ni Plaridel sa panahon ngayon, tinalakay

792
0
SHARE

Pinangunahan ni Gobernador Daniel Fernando ang pag-aalay ng bulaklak sa pambansang dambana at monumento ni Marcelo H. Del Pilar bilang pagpupugay sa kanyang Ika-171 Taong Anibersayo ng Kapanganakan. (Shane F. Velasco/PIA 3)


 

BULAKAN, Bulacan — Inalala sa Ika-171 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Marcelo H. Del Pilar ang kanyang mga panulat na may tuwirang kinalaman sa kasalukuyang mga usapin at sitwasyon ng bayan.

Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, makatwiran na bukod sa taunang pag-aalaala kay Plaridel, na marapat na itanghal at gawing gabay ang mga aral na isinulat at ipinalimbag niya sa araw-araw na pamumuhay.

Kaya’t sa isang serye ng panayam ni Propesor Crisanto Cortez, isang historyador at propesor sa kasaysayan, partikular na binigyang diin ang mga tinuran, payo at saway ni Plaridel sa larangan ng palakasan, mapanagutang pamamahala at pagpapalakas sa hukbong dagat.

Sa gitna ng mga tagumpay at pagkabigo ng mga Pilipinong atleta sa katatapos na mga pandaigdigang kumpetisyon, iniugnay ang mga pangaral ni Plaridel base sa sulat niya sa kanyang asawang si Marciana, na kilala sa Bulakan sa bansag na ‘Tsanay’.

Isinasaad dito na “ipagtanggol ang mabuti anuman ang mangyayari at huwag matakot kung ikaw ay magtatagumpay o masasawi. At ang iyong karangalan ay pagtitibayin at pananatilihin. Mayroong pagkatalo na pagtatagumpay.”

Sa nasabi ring sulat, may pangaral din si Plaridel sa mga lingkod-bayan at nasa serbisyo-sibil na nagsasabing, “huwag lalayo sa katwiran at sa ikagagaling ng bayan. Ang halaga ng buhay ng isang tao ay nasusukat lamang sa kanyang paglilingkod sa kapwa tao.”

Ipinaliwanag ni Cortez na napapanahon ang nilalaman ng nasabing sulat para sa dapat na maging ugaliin ng mga lingkod-bayan at nasa serbisyo-sibil, lalo na ngayong nasa gitna pa rin ng pandemya ang bansa at ang mundo.

Kaugnay naman ng diwa ng Kalayaan na ibinabandera ni Plaridel, isang aral na mula rito na kung nais ng mga Pilipino na magkaroon ng Kalayaan, kinakailangang matutunan din kung paano ipagtatanggol at ipaglalaban ang Kalayaan.

Isinasaad ni Plaridel sa maraming mga dokumento na nasa Sinupang Plaridel o ang Center for Marcelo H. Del Pilar Studies na, “ang Kalayaang sangkap ng ating pagkatao, dapat nating gamitin at ipagmalasakit at huwag pababayaang apihin ng iba ang sariling Kalayaan.”

Sa isang isyu na inilabas ng Dyaryong Tagalog noong Nobyembre 1882, isinulat ni Plaridel ang paghikayat sa Pamahalaang Kolonyal ng Espanya sa Pilipinas, na palakasin ang hukbong dagat upang matiyak na may mangangalaga sa malalawak na karagatan at mga isla nito.

Muli itong inulit ni Plaridel sa inilabas na isyu ng La Solidaridad noong Nobyembre 15, 1895, na nakatuon naman sa hangaring dumating ang panahon na magkaroon ng sariling hukbong dagat ang Pilipinas.

Sa isang pambihirang pagkakataon ay dininig ng mga Kastila ang mungkahi ng isang Pilipinong gaya ni Plaridel.

Patunay dito ang inilabas na Royal Decree ng Espanya na nagdedeklara sa Subic Bay bilang isang base ng hukbong dagat o naval base noong 1884. Sinundan ito ng pagtatayo ng Arsenal en Olongapo noong Marso 8, 1885 na kalaunan ay naging daungan ng mga barkong pandigma.

Para kay Cortez, naaangkop at may malaking kaugnayan ang panulat na iyon ni Plaridel sa kasalukuyang panahon upang makapagpatuloy ang modernisasyon ng Hukbong Dagat ng Pilipinas. Malaking tulong aniya ito upang lalong mapangalagaan ang soberenya at mapanatili ang kalayaan sa bansa.

Samantala, pinangunahan naman ni Fernando at ng National Historical Commission of the Philippines ang pag-aalay ng bulaklak sa pambansang dambana ni Plaridel sa San Nicolas, Bulakan, Bulacan, kung saan siya isinilang at nakalibing. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here