KATULONG SA PAGSUNGKIT NG GINTO SA WRO
    PNOY: Talentadong robot

    400
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan – Hindi siya tao at hindi rin hayop ngunit nagsasalita siya ng apat na wika, tumutugtog ng instrumento at nagmamano sa matatanda.

    Siya ay si Pnoy, ang may tatlong talampakang lego robot na isinunod ang pangalan sa palayaw ni Pangulong Benigno “Pnoy” Aquino III.

    Si “Pnoy da Robot” ay binuo ng apat na mag-aaral ng Dr. Yanga Colleges Inc., (DYCI) sa bayan ng Bocaue na naging kinatawan ng Pilipinas sa World Robot Olympiad (WRO) na isinagawa sa SMX convention Center noong Oktubre 6 at 7, kung kailan ay nasungkit ng mga mag-aaral na Bulakenyo ang gintong medalya sa junior high school open category.

    Ang apat na mag-aaral ng DYCI na kumatawan sa bansa sa WRO junior high school open category ay sina Adiel De Jesus, Ma. Nerissa Nicolas, Ellaine Bulaclac at Alexandra Guevarra.

    Sa panahon ng dalawang araw na paligsahan, hinangaan ang pagpapasikat ng “talentadong” si Pnoy da Robot ng pangunahan niya ang promosyon ng turismo at kalingan ng bansa.

    Ayon kay Michael Yanga, ang executive vice president ng DYCI, ilang pindot lamang ng kanilang mag-aaral sa laptop computer ay nagsimula ng magpasikat si Pnoy da Robot.

    Lumabas sa isang animo’y aparador si Pnoy da Robot, bumati sa mga wikang Kastila, Koreano, Ingles at Pilipino at ipinagmalaki ang mga lugar na dinarayo ng mga turista sa bansa, maging ang mga kilalang personalidad sa bansa noon at ngayon.

    Bilang pagpapakita ng kalinangan ng mga Pilipino, nagmano rin si Pnoy da Robot sa ilan sa mga nanonood; at sa bandang huli ay tumugtog pa ng instrumentong pang musika.

    “Very talented si Pnoy da Robot,” ani Yanga matapos matanggap ng kanilang mga mag-aaral ang gintong medalya.

    Si Pnoy da Robot ay produkto ng tatlong taong programa ng DYCI sa pag-aaral ng robotics.
    “It’s a new program, actually it’s an elective subject for our students and we are thankful because our students responded well,” ani Yanga.

    Nagpahayag din siya ng pasasalamat kay Beryl Cruz, ang guro at nagsilbing gabay ng apat na mag-aaral sa paglahok sa WRO.

    Si Cruz ay nagtapos ng Computer Science sa Meycauayan College at anim na taon ng nagtuturo sa DYCI.

    Sa mas naunang panayam ng Punto kay Cruz, ipinaliwanag niya na ang apat na wika na iprinograma ng kanyang mga mag-aaral kay Pnoy da Robot ay makahulugan para sa Pilipino sa larangan ng kasaysayan, kalinangan at turismo.

    Una ay ang wikang Kastila na ginamit ng mga Pilipino sa halos 400 na taon dahil aang bansa sa napasailalim sa pananakop ng mga Kastila.

    Ang wikang Ingles naman ay isa sa mga pangunahing wikang gamit ng mga Pilipino hanggang ngayon, at ito rin ang nagsisilbing pandaigdigang wika, partikular ng mga turista.
    Ang wikang Koreano ay mahalaga ngayon sa mg Pilipino dahil sa lumalaki ang bilang ng mga Koreanong turista na dumadalaw sa bansa; samantalang ang Pilipino ay ang wikang pambansa.

    Ayon kay Cruz, matapos mabuo ng mga mag-aaral ang robot at iprinograma nila ito sa laptop computer upang mapagsalita at mapagalaw.

    Nagpahayag din siya ng paghanga sa pagiging matiyaga at malikhain ng kanyang mga mag-aaral. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here