Home Headlines Katedral ng Malolos, ganap nang Important Cultural Property  

Katedral ng Malolos, ganap nang Important Cultural Property  

556
0
SHARE

Hinawi ang tabing sa paglalagak ng panandang pangkasaysayan na nagdedeklara sa Katedral-Basilika ng Malolos bilang isang Important Cultural Property. Ito ay bilang pagkilala sa nasa 172 na mahaba at malalim na kasaysayan ng simbahang ito na nakapag-ambag sa pagsasabansa ng Pilipinas. (NHCP)


 

LUNGSOD NG MALOLOS — Isa nang ganap na Important Cultural Property ang Katedral-Basilika ng Malolos.

Ito ay matapos pormal na ikabit ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP ang panandang pangkasaysayan na tanda ng deklarasyon.

Ayon kay NHCP Chairperson Rene Escalante, kasama na ang naturang simbahan sa opisyal na listahan ng National Registry of Historic Sites and Structures at sa Philippine Registry of Cultural Property.

Nangangahulugan ito na hindi basta-basta pwedeng magsagawa ng renobasyon at rehabilitasyon nang hindi nagpapaalam sa NHCP.

Lalung-lalo na, mahigpit na ipinagbabawal ang pagtanggal ng mga orihinal na bahagi ng istraktura o pagpapagiba.

Maari na rin na gastusan ng pondong mula sa buwis ng mga mamamayan ang anumang proyekto na may kinalaman sa wastong rehabilitasyon at preserbasyon.

Nasa 172 taon na ang kasaysayan ng simbahang ito na mauugat noong Hunyo 11, 1850, nang itatag ng mga prayleng Agustino ang pagkaparokya nito.

Ilang beses na nagiba at muling naitayo ang simbahan dahil sa iba’t ibang kalamidad at trahedya. Hanggang maitayo na ang istraktura noong 1817 na nakikita sa kasalukuyan.

Sa kumbento nito, personal na nakausap ng mga Kadalagahan ng Malolos si Spanish Governor General Valeriano Welyer noong Disyembre 12, 1888 kung saan inihain ang kanilang petisyon para makapagtatag ng paaralan upang makapag-aral.

Pagdating ng panahon ng Unang Republika kung saan ang Malolos ang kabisera ng Pilipinas, ito ang nagsilbing Palacio Presidencial kung saan nanirahan at naging tanggapan ni Pangulong Emilio Aguinaldo mula Setyembre 1898 hanggang Marso 1899.

Nang bumagsak ang Unang Republika sa kamay ng mga Amerikano, ginawa itong himpilan ni Heneral Arthur Mac Arthur sa pagsiklab ng Philippine-American War.

Dalawang dekada matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, itinanghal ang simbahang ito bilang Katedral ng Diyosesis ng Malolos noong Marso 11, 1962.

Hinirang naman ng Vatican City ang nasabing katedral bilang isang Basilica noong 1999.

Sa haba at lalim ng kasaysayan na bumabalot dito, nauna nang idineklara ng NHCP ang Katedral-Basilika ng Malolos bilang isang National Historic Site noong Agosto 15, 2001.

Kaugnay nito, kasabay ng pagkakabit ng NHCP ng isang komprehensibong pananda, ikinabit din ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office ang isang digital marker.

Partikular na feature ng digital marker na ito ang pagkakaroon ng custom built na QR Code.

Kapag itinapat ang isang compatible cellular phone sa QR Code na nasa digital marker, mapapanood ang isang dokumentaryo tungkol sa kasaysayan ng Katedral-Basilika ng Malolos.

Samantala, binigyang diin ni Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian na ang pagkakabit ng dalawang mahahalagang pananda na ito ay nagbibigay ng mas malaking inspirasyon, upang lalo pang pagbutihin ang pangangalaga sa mga makasaysayang lugar at istraktura. (CLJD/SFV-PIA 3)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here