DINALUPIHAN, Bataan: Isang kapansin-pansin at makulay na pre-Halloween “Trick or Treat” na may temang “Bahay ni Impo sa Disneyland” ang masayang ginanap sa halos mapunong malawak na Oval ground dito Martes ng hapon.
Sina Congresswoman Maria Angela Garcia, congressional chief of staff Rolly Rojas at Dinalupihan Mayor Herman Santos ay pinagkaguluhan dahil sa kanilang Disneyland- inspired costumes. Si Garcia bilang Ariel, Rojas bilang Flounder at Santos bilang Russell.
Bata at matanda ay nagpakitang-gilas sa kanilang iba’t ibang costume na pang-Halloween. Ang mga bata sa kanilang “Trick or Treat” ay hindi magkandauga-uga sa dami ng kanilang regalong natanggap sa mga tent na nakapaligid sa oval ground.
Pagpasok sa oval ground ay dadaan sa tila kastilyo at tunnel of balloons na wari ay isang natatanging karanasan.
Sinabi ni Congresswoman Garcia na ang masayang tradisyong ito ay ginaganap sa Dinalupihan taon-taon. Ang buong third congresional district na binubuo ng mga bayan ng Dinalupihan, Mariveles, Bagac at Morong, aniya, ay nakikiisa sa pagdiriwang.
Binati naman ni Mayor Santos ang lahat lalo na ang mga magulang na talagang nakasuporta sa kanilang mga anak sa paglahok sa “trick or treat”. (30)