Kaso pa laban kay Palparan dininig

    310
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS — Dininig nitong Miyerkules ang isa pang kaso ng kidnapping with serious illegal detention na inihain laban kay retired AFP Maj. Gen. Jovito Palparan.

    Ito ang ika-anim na pagdinig ng Bulacan RTC Branch 19 laban sa dating heneral.

    Ang kaso ay isinampa ng magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo na umano’y dinukot noong Feb. 14, 2006 sa Barangay Buhol na Mangga, San Ildefonso, Bulacan.

    Ayon kay private prosecutor Atty. Jun Soliva, isinalang sa witness stand si Reynaldo Manalo laban kay Palparan. Ngunit dahil daw sa trauma na inabot nito nang nasa kamay ng heneral ay halos hindi raw ito makapagsalita sa korte at nanginginig.

    Dahil dito ay tinapos na agad ng prosekusyon ang direct examination kay Reynaldo at hindi naman na nagcross examine ang kampo ni Palparan.

    Ayon kay Soliva, matinding pahirap kasi ang inabot ng magkapatid na Manalo sa kamay ng mga dumukot na sundalo noon kayat hindi niya masisisi ito na makaramdam ng takot nang nasa hukuman na.

    Samanatala, bukod kay Palparan ay may apat na magkakapatid na Dela Cruz na miyembro ng CAFGU ang kasama sa kinasuhan.

    Ito ay sina CAFGU Michael, Maximo, Roman at Jose Dela Cruz.

    Ayon sa reklamo ng magkapatid na Manalo nakaharap nila mismo si Palparan noong sila ay nasa kamay ng mga sundalo at sinabing bubuhayin sila nito bastat huwag lamang papasamahin ang mga magulang nito sa mga rally at hearing.

    Sina Manalo ay sinasabing nakatakas sa kamay ng militar noong August 14, 2006 nang sila ay dalhin sa isang farm sa Pangasinan.

    Ito na ang ikalawang kaso ng kidnaping with serious illegal detention na dinidinig sa Bulacan RTC laban kay Palparan.

    Una dito ay ang insidente ng pagdukot sa dalawang UP students na sina Karen Empeño at Shierlyn Cadapan.

    Maaga namang dumating si Palparan sa Bulacan RTC na gwardyado pa rin ng mga militar at pulis.

    Hindi na nakuhanan ng panig si Palparan maging ang legal counsel nito dahil naging mabigat ang seguridad ng militar para sa heneral.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here