Home Headlines Kaso ng Dengue sa Nueva Ecija, umabot na sa humigit 4,400

Kaso ng Dengue sa Nueva Ecija, umabot na sa humigit 4,400

474
0
SHARE
Iniulat ni Department of Health Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa sa programa sa radyo ng Philippine Information Agency ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng dengue sa lalawigan gayundin ang mga paalala ng ahensiya upang mapigil nag patuloy na pagdami ng kaso. (Camille C. Nagaño/ PIA 3)

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Iniulat ng Department of Health o DOH na umabot na sa 4,420 ang mga nagkakasakit ng dengue sa Nueva Ecija.

Ayon kay DOH Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa, ito ay simula Enero hanggang ika-lima ng Agosto, na kung saan humigit 100 porsyento ang itinaas kumpara sa 2,068 kaso ng parehong panahon noong nakaraang taon.

Base sa datos ng ahensiya ay 18 bayan at siyudad sa Nueva Ecija ang nakapagtala ng mas mataas na bilang ng mga tinamaan ng sakit ngayong taon kabilang ang Aliaga, Cabiao, Gabaldon, General Natividad, General Tinio, Jaen, Laur, Peñaranda, Quezon, San Antonio, San Isidro, San Leonardo, Santa Rosa, Santo Domingo at Talavera gayundin ang mga lungsod ng Cabanatuan, Gapan, at Palayan.

Pahayag ni Espinosa, tinututukan ng ahensiya katuwang ang bawat pamahalaang lokal sa mga munisipyo, siyudad at mga barangay ang kampanya upang mapigil ang pagdami ng nagkakasakit.

Health promotion pa din aniya ang panangga upang maipalaganap ang pag-iingat at mga pamamaraan ng pag-iwas sa anumang pagkakasakit.

Ayon pa kay Espinosa, laging ipinaaalaala ng ahensiya na maglinis ng kapaligiran, puksain ang pinanggagalingan at pinangingitlugan ng mga lamok partikular ang mga naiimbak na tubig gayundin ang pagsuporta sa pagsasagawa ng fogging sa mga lugar na idineklarang hotspot o may outbreak ng dengue.

Kaniyang sinabi na kung hindi mapupuksa ang mga pinanggagalingan ng lamok ay patuloy lamang silang dadami at hindi magiging epektibo ang mga isinasagawang fogging at iba pang mga hakbang kontra sa paglaganap ng naturang sakit.

Mahalaga din ang maagang pagpapagamot kung nakararanas ng anumang sintomas tulad ng pagkakaroon ng lagnat, rashes, pananakit ng ulo at kasukasuan lalo na kung nakararamdam ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, nahihirapang huminga na palatandaan ng severe dengue.

Sa naiulat na 4,420 nagkasakit sa buong Nueva Ecija ay umabot na sa siyam ang mga nasawi dahil sa dengue simula Enero kasalukuyang taon. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here