Karangalan nitong buong Pilipinas
Ang magkarun tayo ng isang katulad
Ni Pacquiao, na lalong kilala ng lahat
Ng apasionado sa boxing – people’s champ.
Na talaga namang di matatawaran
Ang galing niya sa nasabing larangan,
At halos nakopo niyang mapanalunan
Ang lahat ng kategoryang nilabanan.
Kaya tunay namang di kaduda-duda
Ang pagiging kampeon nitong ating bida
Sa ‘sport’ na boxing, na kung saan siya
Naging popular at lubos nakilala.
Pati mga malalaking pulitiko
Ay sumakay din sa katanyagan nito,
Kung kaya marahil itinulak ito
Upang pati siya ay kumandidato.
At pinalad naman sa pamamagitan
Ng kasikatan niya at taglay na yaman
Bagama’t kulang sa dunong na kailangan
Para sa posisyong hangad mahawakan.
Pero para siya siya’y kanilang tawaging
“Pambansang Kamao,” at siya’y ituring
Bilang isa sa ‘national symbol’ natin,
Gaya ng ‘asana’ na kilala manding
‘National tree’ at ng ating ‘national fish’
Ay bangus; at tulad ng pambansang hayop
Ay kalabaw – mayrung bang batas o utos
Na iniakda ang Senate of Lower House
Para bansagan siyang ‘Pambansang Kamao?’
At kung saan pati ang Nanay po nito
Ay sumawsaw din sa katanyagan mismo
Ng anak, kung kaya umarte ng husto?
At di alintana kung anong posibleng
Masabi ng iba kung paka-isipin
Kapag kuntodo arteng nanalangin
Para ang kalaban nito ay talunin?
Yan sa ganang aking sariling pananaw
Ay di dapat gawin ng nanay ni Paquiao,
Pagkat di ka kukunsintihin kung ikaw
Ay nagdasal para lamang mangibabaw
Sa kapwa nilalang sa anumang nasa
Dahilan na rin sa ang Poong Lumikha
Sa lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa
Ay pantay-pantay ang pagtingin sa madla.
At ayaw din naman ng Diyos marahil
Ang anumang sobra na dapat kalusin,
Sanhi na rin nitong ayaw pang tumigil
Gayong halos lahat ay kanya ng angkin.
Bilyones na kuwarta’t katanyagan pati
Ay hawak na’t malayo ng mamulubi
Ano’t di na lamang mag-retiro kasi
Upang ang korona niya’y mapanatili?
Sa totoo lang ay ako’y tagahanga
Di naman ni Pacquiao (at di ni Dionisia)
Pero ang puna lang natin, bakit kaya
Ang Tatay di pinakilala sa madla?
Gayong ang nanay ay parang celebrity
Kung siya’y interbyuhin sa Radio at TV?
Yan ay kapintasang malaki kay Manny
Kung ang tatanungin nila’y si ‘yours truly’!