LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Itinampok sa Philippine Experience Program ng Department of Tourism (DOT) ang mayamang kasaysayan at kultura ng Malolos, Bulacan noong panahon ng Unang Republika ng Pilipinas.
Ayon kay DOT Secretary Christina Garcia Frasco, isa itong istratehiya ng ahensiya na hindi lamang dadalhin ang turista sa destinasyon kundi ipaparanas sa mga ito ang mga kultura, kasaysayan, pamana at ipatikim ang mga katutubong pagkain sa nasabing lugar.
Halaw ang konseptong ito sa matagumpay na Suroy-Suroy Sugbo ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu na pinasimulan noong 2004.
Pinangunahan ng kalihim ang delegasyon sa Central Luzon leg ng Philippine Experience Program sa lungsod ng Malolos kung saan nakasama sina Vietnamese Ambassador to the Philippines Lai Thai Binh at Thai Ambassador to the Philippines Tull Traisonat.
Kasama rin nila ang matataas na opisyal ng Embassy of Malaysia at nasa 100 mga tour operators at travel agencies na kasapi ng Pacific Asia Travel Association.
Ang panahon ng Unang Republika sa Pilipinas ay mula taong 1898 hanggang 1899 kung saan ginawang kabisera ng bansa ang Malolos.
Kaya naman sa tourism circuit na binisita, natunghayan ang mga makasaysayang pook na nagkaroon ng malaking papel sa pagsasabansa ng Pilipinas.
Kabilang dito ang Katedral-Basilica Minore ng Malolos na nagsilbing Palacio Presidencial o Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas, Kamistisuhan District kung saan matatagpuan ang mga heritage houses na naging tanggapan ng mga ahensiya noong Unang Republika, at ang simbahan ng Barasoain kung saan pinasinayaan ang Pilipinas bilang Republika sa bisa ng Saligang Batas ng 1899 na pinagtibay sa sesyon ng Kongreso ng Malolos.
Sa pag-ikot sa nasabing mga lugar, kalakip ng pagpapahayag sa malalim na kasaysayan ang pagpapakita ng mayamang kultura ng mga Bulakenyo gaya ng paglalala ng Sambalilong Buntal ng Baliwag at paggawa ng Puni na isang leaf art ng Malolos.
Aktuwal namang iprinisinta kay Secretary Frasco kung papaano ginagawa ang Singkaban ng Hagonoy.
Ito ang kinayas na arkong kawayan na itinindig sa kahabaan ng Paseo del Congreso upang ipangsalubong sa mga delegado ng Kongreso ng Malolos noong Setyembre 15, 1898 at pagpapasinaya sa Pilipinas bilang isang republika noong Enero 23, 1899.
Kaugnay nito, inihain ng Bistro Malolenyo sa mga delegado ng Philippine Experience Program ang mga pagkaing inihain sa state banquet na ginanap noong Unang Republika.
Ito ang una at bukod tanging heritage restaurant sa Bulacan na naghahain ng mga katutubong pagkain tulad ng Hamon Bulakenyo, Nilagang Pasko, Arroz Ala Cubana ni Heneral Gregorio Del Pilar, Pochero ni Marcelo H. Del Pilar, Tinolang Manok ni Dr. Jose P. Rizal, Nilitson Manok sa Saha ni Andres Bonifacio, Pinaso at iba pang potaheng Bulakenyo.
Gayundin ang pagpapatikim ng pastillas ng San Miguel na ibinalot sa gawang-kamay na Borlas o wrapper na inukitan alinsunod sa tradisyon at okasyon. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)