ANG NAGMAMATAAS ay ibaba; ang nagpapakumbaba ay itataas. Ito ang buod ng ating ebanghelyo ngayon. Ewan kung sinusundan ba ninyo ang mga homiliya ko. Pero meron akong naibigay na homiliya na ang pamagat ay Gulong ng Palad. Naging theme song ng isang telenovela: “Ang buhay daw ay gulong ng palad, minsan nasa itaas at minsan nasa ibaba.” Naniniwala ba kayo doon? Ako hindi.
Masyado namang automatic. Para bang paikot-ikot lang ang buhay, minsan nasa itaas, minsan nasa ibaba, na para bang tanggapin na lang ang kawalang katarungan, na parang walang Diyos. Usapin lang ng karma ang buhay, ng mabuti at masamang kapalaran. Ang panakot ay kapalaran: Huwag kang magmamataas baka ibaba ka. Huwag kang mag-alala kung nasa ibaba ka; darating ang panahon na itataas ka rin.
Hindi ganyan ang sinasabi ni Hesus sa ebanghelyo. Tulad ng inawit ni Mama Mary sa Magnificat, ibababa ang matataas at itataas ang mababa, hindi naman para ibaligtad ang sitwasyon nila, kundi para ipantay sila sa isa’t isa. Dahil sa mata ng Diyos na ating Ama, tayong lahat ay magkakapatid. Pantay-pantay lang ang dangal natin bilang mga nilikhang kawangis ng Diyos, bilang tinawag na maging mga Anak ng Diyos.
Bakit daw ayaw kong magpatawag na Eminence, e iyun naman ang opisyal na bansag sa mga kardinal? Kasi iyun ang bilin ng gumawang kardinal sa akin—si Papa Francisco. Hindi daw kasi honor ito o title kundi responsibilidad. Humihingi ng tulong ang obispo ng Roma, sentro at simbolo ng pagkakaisa ng Simbahang Katolika, sa pagtataguyod niya ng kanyang gawain bilang Dakilang Pontifex—Tagapag-ugnay (tagapagtayo ng mga tulay ng pagkakaisa) ng sambayanan ng mga alagad ni Kristo sa buong mundo. Isang gawain na humihingi ng Kenosis—isang lubos na pagbubuhos ng sarili, upang ang bumuhos sa mundo ay ang walang hanggang awa at biyaya ng Diyos.
Bakit? Kasi nabubuhay tayo sa isang mundong makasalanan. Laging nagtatalo sa loob ng tao ang dalawang prinsipyo: ang makamundong prinsipyo ng matira ang matibay, at ang makalangit na prinsipyo ng pag-ibig na walang kundisyon. Ito ang tinatawag ni San Pablo na digmaang espiritwal na lalong binigyang liwanag ni San Ignacio de Loyola sa kanyang Espiritwal na Pagsasanay: ang labanan ng dalawang bandila—bandila ni Kristo at bandila ni Satanas.
Sa Aklat ni Daniel, sa chapter 7, nagkaroon ng pangitain ang propeta: nakita ang apat na halimaw, bago nakita ang pagtatampok ng isang parang Anak ng Tao na nakasakay sa ulap at inilapit sa Matanda at pinagkalooban ng kaharian, kapangyarihan at kaluwalhatian magpasawalang-hanggan. Siyempre, sa kasaysayan ng kaligtasan, natukoy natin ito bilang si Hesus ng Nazareth, ang hinirang na Anak ng Diyos na nagpakumbaba at isinilang bilang Anak ng Tao upang maiangat niya ang dangal ng sangkatauhan bilang mga kapwa Anak ng Diyos.
Sabi pa ni San Pablo: “Alam ninyo ang biyayang ipinamalas ng ating Panginoong Hesukristo—na bagamat taglay niya ang lahat ng yaman ng langit, inako niya ang karukhaan dito sa mundo alang-alang sa atin, upang sa pamamagitan ng kanyang karukhaan, tayong lahat ay mapayaman niya.”
Ganoon din ang isinisimbolo ng dalawang dalawang babae sa ating unang pagbasa: si Naomi at Ruth. Sa Bibliya, sila ang simbolo ng dukha: si Naomi—babae, matanda, balo, namatayan pa ng mga anak na lalaki. Si Ruth—babae, dayuhan, balo rin, walang anak, walang trabaho kundi mamulot ng mga tira-tira sa mga bukid na pinag-anihan. Pero masasama siya sa talaan ng salinlahing pinagmulan ni Hesus, kasama si Boaz na nagmalasakit sa kanila ni Naomi.
Narinig natin sa pagbasa kahapon ang sinabi ni Ruth, manugang ni, Naomi matapos na mamatay ang dalawang anak na lalaki ni Naomi—na ang isa ay kasal kay Ruth. Di ba, dahil dayuhan ito, pinauuwi na siya sa sariling bayan upang habang kabataan pa ay pwedeng magsimula ng sariling pamilya. Pero hindi umuwi si Ruth. Sinabi sa biyenan, “Saan man kayo, doon din ako, saan man kayo titira, doon ako titira, ang bayan nyo ay magiging bayan ko, ang Diyos ninyo ay magiging Diyos ko. Saan man kayo mamatay, doon din ako mamamatay at malilibing sa piling ninyo.”
Ang ganitong malasakit ang tumawag pansin kay Boaz upang pagmalasakitan din si Ruth. Hindi lang siya pinahintulutan na mamulot ng tira-tirang trigo sa kanyang anihan, siya ang tumubos sa lupa ni Naomi at umibig, at nagpakasal kay Ruth, upang siya’y maging lubos na kabahagi ng bayang Israel, at biniyayaan ng anak na pinangalanang Obed, na naging ama ni Jesse, na naging ama ni Haring David, na naging ninuno ni Joseph na naging asawa ni Maria, na naging ina ng Manunubos ng mundo.
Madalas ninyong maririnig sa akin ang salitang ACCESS, na kung Tatagalugin ko ay KASALI KA. Ito ang maugong na mensahe ng kaligtasan at mabuting balitang dala ni Hesus sa sangkatauhan. Isang mensahe ng pag-asa sa mga ineetsapwera, mga isinasantabi, mga nasa gilid-gilid o laylayan ng lipunan, mga dehado, mga walang kalaban-laban, mga walang dokumento, walang pangalan, walang karapatad.
Mahilig kasi tayong mga tao na gumawa ng mga eksklusibong samahan na nakabase sa dugo, sa mataas na pinag-aralan, sa estadong pang-kabuhayan, sa pagkakaiba ng relihiyon, kultura, kasarian, atbp. Mga tipong samahang sarado, walang access ang hindi kasali, kami-kami imbes na tayo. Katulad din ng santang ginugunita natin ngayon: Santa Rosa de Lima. Ibig maging madreng Dominicana, pero hindi pwede dahil katutubo siya, kaya hanggang third order lang. Mga tipong sampid, o salingpusa. Pero namukod-tangi daw sa kabanalan at naging unang santang katutubo sa buong America Latina.
Ganyan din noon sa Pilipinas noong nasa ilalaim tayo ng gubyernong kolonyal. Ang mga katutubo hindi pwedeng tanggapin sa mga kongregasyon ng mga prayleng Kastila dahil hindi daw puro ang kanilang dugong Kastila. Kahit mestiso hindi pwede, indio pa kaya? Noon pa man uso na ang racial profiling. Pwedeng magpari sa mga seminaryong sekular, pero pag naordenan, hindi pwedeng maging kura paroko dahil hindi purong Kastila. Ito ang totoong background ng paglilitis at pagbitay sa garote kina Padre Gomez, Burgos, at Zamora.
Access to Justice Ministry ang itinawag ko sa bagong tatag na ministry sa ating diocese. Nanawagan tayo sa mga Katolikong lawyers sa ating mga parokya, na maglaan ng kaunting oras para sa free legal service for the poor. At ang naging simbolo nito ay ang ating sakristan sa Longos Mission Station na si Dion Angelo. Alam na ninyo ang nangyari sa kanya. Nagkasakit at namatay dahil sa leptospirosis, matapos ang tatlong araw na paglusong sa baha noong panahon ng habagat na pumalpak ang mga flood control na binuhusan ng bilyon-bilyon. Hinahanap ang amang inaresto pala noon pang July 22, at hindi pinagbigyan na ipaalam ito sa kanyang pamilya. Inaresto sa salang illegal gambling ng kara y krus, na hindi niya ginawa, pero pinaamin sa kanya. Ganyan ang dukha na walang access sa hustisya sa ating bansa: kahit hindi mo ginawa, umamin ka na lang kaysa magbayad ng malaking piyansa, magpabalik-balik sa husgado, manatili sa kulungan at magutom ang pamilya. Walang choice.
Ito ang diwa ng BEC [Basic Ecclesial Communities], mga kapatid: ACCESS para sa mga dukha. Ang mensahe ay mabuting balita: KASALI KA. Hindi totoong wala kang kuwenta, hindi totoong wala kang karapatan, at hindi totoong wala kang choice. Meron. Anak ka rin ng Diyos. Magkakapatid tayo. Narito kami para sa iyo. Kasali tayo—kung magbukas tayo ng puso at kalooban, kung makinig tayo at makilakbay, kung magmalasakit tayo at matutong magpuno sa pagkukulang ng isa’t isa.
Marami pa tayong ACCESS ministries na pwedeng buuin. Meron na tayong BUSOG-PUSO: access to proper nutrition sa mga batang kulang sa sustansya dahil sa karukhaan. Meron na rin tayong KAAGAPAY—access to mental health sa mga dumaranas ng mental health issues, pati na adiksyon, depression, at anxiety disorder. Meron na rin tayong Ministry for Undocumented Children, access to citizenship ng mga walang birth certificate at hindi tuloy mabigyan ng access sa mga serbisyong pampubliko. Ilan sa ating mga kababayan ang walang access sa health care dahil kahit PhilHealth ay wala? Kaya meron din tayong Joseph Clinic.
Lahat iyan sa maliit lang nagsisimula. Sabi nga ni Lolo Dency, anumang maliit basta kusang loob at malimit, ay patungong-langit. Iyun pala, sa dakong huli ang pinakamahalagang access: access to heaven. Sabi ng isang kanta ng Peter Paul and Mary: “If religion were a thing that money could buy, then the rich will live and the poor will die.” Pwede bang yung may pera lang ang pwedeng magpamisa, magpabasbas, magpabinyag, magpakumpil, magpalibing? Sinasara natin ang langit sa sarili natin kapag sinasara natin ang mga institusyon natin sa mga dukha.
Kaya, BEC ang pinakamatinding paraan ngayon ng simbahan ng ACCESS. Tatandaan lagi: ang mensahe natin ay mabuting balita. At ang mabuting balita ni Kristo sa mga inestapwera ay: KASALI KA.
(Homiliya para sa Misa para sa BEC Day ng Kalookan, Sabado sa ika-20 Linggo ng KP, Paggunita kay Santa Rosa de Lima, 23 ng Agosto 2025, Ruth 2:1-17 at Mat 23:1-12)