LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Target palawakin sa 20 mga bayan at apat na mga lungsod sa Bulacan ang pagkakaloob ng libreng pakasal sa mga matatagal nang nagsasama ngunit walang kakayahang makapagpakasal.
Pinasimulan itong pagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos at ng Bulacan Event Suppliers Association (BESA) nang ipakasal ang naunang 17 pares sa ginanap na Kasalang Bayan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Ika-127 Taong Anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas.
Ayon kay Malolos City Mayor Christian Natividad, na nagsilbing presider, minarapat ng pamahalaang lungsod na idaos ito sa panahon ng pagdiriwang ng pagsasabansa ng Pilipinas. Kung pasimula aniya ng pagiging bansa ang Unang Republika, ito naman ang magiging panimula ng mga bagong mag-asawa na nagmamana nitong republika.
Libre silang nakatamo ng iba’t ibang serbisyo at supply gaya ng flower bouquet, wedding rings, wedding cakes, physical arrangement, photography services at mga frame souvenirs mula sa ambagan ng mga kasapi ng BESA.
Sa ginanap na ‘Kasalan sa Republika’ Bridal Exhibit 2026, ipinaliwanag ni BESA President Josephine Murillo-Cruz na sisimulan nang hanapin sa iba pang bahagi ng lalawigan ang mga matatagal nang nagsasama ngunit walang kakayahan magpakasal.

May inisyal na 24 na mapapalad na pares o isa kada bayan at lungsod, ang pagkakalooban ng libreng pakasal.
Bukod sa kasal na ipagkakaloob ng pamahalaang lokal, aasikasuhin na rin ng BESA ang mga rekisito tulad ng pagkakatamo ng marriage license.
Pagkakalooban din sila ng kaparehong mga nabanggit na suplay at serbisyo na pawang mga libre.
Target itong idaos sa Setyembre 2026 na isasabay sa pagdiriwang naman ng Singkaban Festival.
Para kay Cruz, pasasalamat sa Dios ng mga taga BESA ang paghahandog ng libreng pakasal na magiging taunan na, dahil sa malalaking biyaya na patuloy na natatamo ng event industry sa Bulacan na tinatayang nasa P5 bilyon ang halaga.
Sa kasalukuyan, nasa 58 event suppliers na ang kasapi ng BESA na tinatayang magiging 100 na sa pagtatapos ng 2026.
Naitatag ang BESA noong 2015 sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office upang palakasin ang sektor na ito at maiposisyon ang Bulacan sa hanay ng mga destinasyon ng Wedding Tourism. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



