SAMAL, Bataan — Binuhay ng isang grupo ng magsasaka sa Barangay Lalawigan dito ang karera ng kalabaw na ginanap ngayong Martes sa malawak na bukid na bagong pinag-anihan ng palay sa nabanggit na barangay.
Ang karera ay bilang bahagi ng selebrasyon ng kapistahan ng Barangay Lalawigan. Sinaksihan ito ng maraming tao sa gitna ng mainit na araw.
Sinabi ng mga organizers na ang karera ay isang pagbuhay sa dating tradisyon ng matatandang magsasaka na nagbibigay kasiyahan hindi lamang sa kanila kundi sa iba man. Sumasalamin din daw ito ng magandang ugnayan ng kalabaw at magsasaka.
Nagpakita ng gilas ang bawat kalabaw hatak ang kangga samantalang nagpamalas naman ng katatagan ang bawat hineteng magsasaka na sakay na nakatayo sa kangga.
May mga pares ng kalabaw na maayos na tinahak ang nagsilbing race track na halos kaunting ungusan lamang ang pagitan ngunit may ilan na umiba ng daanan at pinabayaan ang katunggali na nag-iisa sa race track.
Hindi rin naiwasan na magkaroon ng kaunting problema nang malapit na sa finish line ay kumawala ang isang kangga sa humahatak na kalabaw kasama ang sakay na magsasaka.
Hindi naman gaanong nasaktan ang hinete na maagap na sinaklolohan ng mga kalahok at nangangasiwa ng karera.
Pinaalalahanan ni Mayor Alex Acuzar ang lahat na maging maingat. Nagkaloob ang butihing mayor ng papremyo sa mga nagwagi. Dumalo rin sa karera si Vice Mayor Ronnie Ortiguerra at mga konsehal ng Samal.