Home Headlines Karera ng kalabaw ipagpapatuloy ng mga magsasaka sa Samal

Karera ng kalabaw ipagpapatuloy ng mga magsasaka sa Samal

662
0
SHARE
Umaalimbukay ang alikabok sa bilis ng mga kalabaw. Kuha ni Ernie Esconde

Samal, Bataan — Tatlumpung pares ng mga kalabaw ang lumahok sa karera ng mga kalabaw na ginanap sa gitna ng kabukiran sa Barangay San Juan dito, Linggo ng umaga.

Binansagang “Takbo Kalabaw 2023,” ito’y isang proyekto ng Samahan ng mga Manggagawang Bukid sa Samal sa pakikipagtulungan ng pamahalaang bayan sa ilalim ni Mayor Alex Acuzar. 

Ang okasyon ay isa sa mga aktibidad sa kaarawan ng fiesta ng Samal nitong Abril 30 at isang tradisyon na ng mga magsasaka. 

Waring nagkukumahog ang mga kalabaw at maging ang mga magsasakang hinete upang sagasain ang matinding init ng araw. Isang kalahok ang mabilis na sumibat kahit wala pang go-signal. 

Umaalimbukay ang alikabok mula sa tuyong bukid sa bilis ng mga kalabaw sa giya ng mga hinete habang hila ang bawat kangga.

Sinabi ni Teody Guinto, pangulo ng samahan, na sinisikap ng kanilang sektor na hindi lamang makapagdiwang ng fiesta kundi maidaos ang kanilang taunang tradisyon na nakalakihan na umano nila bilang magsasaka. 

Pangarap umano nila ang mapasabay sa hangarin ni Mayor Acuzar na pag-angat at pag-asenso ng mga taga-Samal. Natutuwa raw sila dahil ang tampok sa seal ng munisipyo ng Samal ay kalabaw at magbubukid. 

Maganda, ani Guinto, ang relasyon sa mga magbubukid nina Mayor Acuzar at ng sangguniang bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Ronnie Ortiguerra. 

“Gagawin naming taunan ang Takbo Kalabaw. Maraming interesado na mula pa sa ibang mga bayan ng Bataan,” sabi ni Guinto. 

Nagbibigay umano sila ng kaunting pabuya sa mananalo at  panggasolina at pagkain sa lahat ng  kalahok. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here