BALANGA City – Nagkarambola ang apat na sasakyan sa Roman Superhighway sa Balanga City, Bataan habang bumubuhos ang katamtamang lakas ng ulan pasado alas-11 ng tanghali.
Walang nasaktan subalit nabasag ang buong windshield sa likod ng itim na kotse na nasagian ang isang tricycle na nakaparada sa isang kainan. Matindi naman ang yupi sa likod , tagiliran at harap ng van.
Bukod sa tama ng itim na kotse, sumalpok din ang van sa isang maliit na puno ng kahoy. Malaki ang yupi sa harapang bahagi ng trak ganoon din ang sa Elf delivery truck.
Ayon kay Egelan Salariaga, pahinante ng trak, nabangga ng Elf delivery truck ang sinusundang itim na kotse na bumangga naman sa sinusundang van. “Nasa hulihan kami. Nang bumagal ang takbo ng Elf dahil sa pagkakabangga sa kotse, tinamaan namin ito dahil hindi na gumana ang preno pati na ang handbrake namin,” sabi ng pahinante.
Sinabi ng pulisya na ang dulas ng kalsada ang isang dahilan sa nangyaring karambola. Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon.