Karahasan, warlordism nakakaapekto sa peace talks

    371
    0
    SHARE
    CLARK FREEPORT —Makakaapekto sa kabubukas na pormal na peace negotiation sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang karahasan at pananatili ng mga warlord sa Mindanao.

    Ito ang pahayag sa mga mamamahayag na dumalo sa Communication for Peace Building seminar sa Freeport na ito noong Sabado ng retiradong heneral na si Rodolfo Garcia, dating tagapangulo ng government peace negotiating panel na naglarawan sa kapayapaan sa Mindanao bilang “fragile.”

    “This stage is critical. We must take care of the process. Manipis ang inaapakan natin, baka masilat,” ani Garcia na nagsilbing military brigade commander sa Maguindanao sa unang bahagi ng dekada 90; bilang Vice-Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP); at tagapangulo ng government peace negotiating panel noong 2003.

    Binigyang diin niya na ang muling pamamayagpag ng karahasan sa Mindanao ay maaring makapigil sa negosyasyong pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng MILF na muling nabuksan sa pamamagitan ng Malaysia nitong nakaraang linggo matapos matigil sanhi ng kanselasyon sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) na idineklara ng Korte Suprema na “unconstitutional.”

    Sinabi rin ni Garcia na ang warlordism sa Mindanao ay makakaapekto din sa negosasyong pangkapayapaan.

    Inihalimbawa niya ang mga pangyayari sa nagdaang panahon kung kailan ang mga armadong civilian volunteers (CVOs) ng pamilya Ampatuan ay napasabak sa puwersa ng MILF.

    “Maraming pagkakataon na napasabak ang mga CVO ng Ampatuan sa MILF, tapos humingi ng suporta ang CVO sa militar. Before you know it, you have a full blown clash with many casualties,” ani Garcia.

    Sinabi ni Garcia na may mga pagkakataon na nakakatulong ang mga CVO sa military, ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon, partikular na ang mga CVO na nasa ilalim ng kontrol ng mga warlord.

    Iginiit niya na sa panahong ito na muling nakikipagnegosasyon ang gobyerno sa MILF para sa kapayapaan sa Mindanao, hindi makakatulong ang mga warlord.

    Binigyang diin pa niya na hindi kailangan ang martial law, sa halip ay dapat lamang bigyan ng higit na kapangyarihan ang mga militar at pulis upang makontrol ang mga CVO ng mga warlord.

    Hinggil sa mga armadong grupo na hawak ng mga Ampatuan, sinabi niya na takot ang mga ito sa militar.

    Inihalimbawa niya ang pagtatago ng mga ito ng mga armas.

    Pinuri din niya ang MILF dahil sa hindi pakikisangkot nito sa kaguluhan sa Maguindanao kung saan ay idineklara ang martial law matapos paslangin ang 57 di armadong sibilyan kasama ang 30 mamamahayag noong Nobyembre 23.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here