Karahasan ng mga fraternity

    1837
    0
    SHARE

    Kamakailan lamang, naharap na naman tayo sa isang masalimuot na pangyayari. Nasawi si Marvin Reglos, 25 taong gulang, ‘di umano dahil sa hazing sa kamay ng isang fraternity sa San Beda College of Law.

    Nakalulungkot na patuloy pa rin ang ganitong uri ng karahasan sa loob ng ating mga paaralan. Halos taon-taon na lamang, parating may mga ulat ng mga kaso ng karahasang iba’t- iba ang porma sangkot ang mga fraternity.

    Mas malungkot na sa loob ito ng mga pamantasan at kolehiyo nagaganap, mga lugar na dapat sana’y kanlungan ng karunungan at pagiging sibilisado.

    Mula sa hazing hanggang sa bugbugan ng mga magkalabang fraternity, tila hindi nagwawakas ang ating mga problema pag dating sa pagtitiyak natin na ang mga paaralan ay ligtas na lugar para sa ating mga anak.

    Nakagagalit pa na kadalasa’y may nadadamay na hindi naman kasapi ng mga fraternity na nag-aaway.

    Hindi naman masama ang pagbubuo at pagiging bahagi ng isang organisasyon. Hindi ako kailanman naging kasali sa isang fraternity, ngunit nakikita ko na may magaganda ring ibinubunga ito kagaya ng pagpapatibay ng pagkakaibigan, pagpapaigting ng kagalingan, at pagkakaroon ng paraan upang magsama-sama para tumulong sa kapwa at sa mga komunidad.

    Subalit, sa kabila ng mga magaganda nitong maidudulot, mabigat pa rin ang mga masalimuot na realidad na kaagapay ng mga ito. Patuloy pa rin ang hazing o ang pananakit nang pisikal, emosyonal, at sikolohikal sa mga neophyte na nagnanais sumali.

    Ang tanong, bakit nga ba patuloy pa ring nangyayari ang mga ito? May batas naman tayong Republic Act No. 8049 o ang Anti-Hazing Law na nagpapaliwanag ng kahulugan ng hazing at ng mga kaakibat nitong parusa.

    Maaaring may butas pa rin ang batas na ito. Ngunit, maaaring hindi ito sumasalamin sa aktwal na kultura ng mga samahan sa paaralan. Hindi lang ito nalilimitahan sa mga fraternity.

    Ayon sa batas, dapat may paalam sa mga kinauukulan sa paaralan ang mga aktibidad ng organisasyon na may kinalaman sa initiation rites.

    Kasama rin dito ang pagkakaroon dapat ng kinatawan ng paaralan na magbantay sa mga nasabing gawain. Ang malaking palaisipan ay ginagawa nga ba ito ng mga organisasyon?

    Malakas ang kutob ko na hindi ito naisasakatuparan. Kapag ganyan nga, baka mainam na pag-aralan muli ang batas na ito at maisaayos upang maging mas tumutugon sa realidad at konteksto ng ating mga samahan sa paaralan.

    Maliban pa rito, maliban sa pagtingin sa batas na gumagabay sa usaping ito, mahalaga ring tingnan mismo kung paano kumikilos ang mga opisyal ng pamahalaan at mga mag-aaral upang hindi lamang tugunan ang isyung ito, kundi para hindi na ito nauulit muli.

    Gumagawa ba ng hakbang ang ating mga student council tungkol dito? May mga isinasagawa ba ang mga administrasyon ng mga pamantasan para ‘di na maulit ang isinapit ni Marvin?

    Isang pangalan na naman si Marvin. Dagdag na naman sa bilang ng mga namamatay ng dahil sa hazing. Nawa’y hindi na madadagdagan ng bagong pangalan at bilang pagkatapos nito.

    Una sa lahat, liban pa sa pagtingin at pagsasaayos ng batas, kinakailangan iwaksi ang kultura ng karahasan sa mga ganitong samahan.

    Hindi makakamit ang katapatan at kadakilaan sa pamamagitan ng pananakit sa kapwa. Walang lugar ang ganitong uri ng mga gawain sa loob ng isang paaralan.

    Higit pa rito, mahalagang mahalaga talaga na tapusin na rin ang kultura ng pagsasawalang-kibo ng lahat ng mga mag-aaral, lalo na ng mga hindi bahagi ng mga fraternity. Kapag pinairal ang kawalan ng pakialam, patuloy na mangyayari ang mga nakalulungkot na mga pangyayaring kagaya ng sinapit ni Marvin.

    Bago pa man natin amyendahan ang Anti-Hazing Law, dapat munang baguhin ang nakasanayan at magkaroon ng pagkakataon ang mga komunidad sa loob ng paaralan na maghain ng kongkretong mga hakbang upang tuluyan nang mawakasan ang karahasan.

    Mga kabalen, simulan natin ito sa loob ng ating sari-sariling mga kolehiyo’t pamantasan. Kasabay nitong pagpapalaganap ng kapayapaan ay ang panawagan para sa katarungan para sa lahat ng mga biktima ng hazing.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here