Home Headlines Karagdagang panuntunan sa Brgy. Environmental Compliance Audit ipinaliwanag

Karagdagang panuntunan sa Brgy. Environmental Compliance Audit ipinaliwanag

556
0
SHARE
Tinalakay ni Department of the Interior and Local Government Program Development Officer II Kristinne Mallari ang mga panuntunan sa idinaos na oryentasyon para sa isasagawa muli na Barangay Environmental Compliance Audit sa buong rehiyon. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Binigyang linaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga karagdagang panuntunan sa pagdaraos ng Barangay Environmental Compliance Audit (BECA).

Sa isinagawang oryentasyon ng ahensya ay sinabi ni Program Development Officer II Kristinne Mallari na ang BECA ay isa sa mga pamamaraan ng DILG Central Luzon upang mapaunlad ang partisipasyon ng mga barangay sa pagsusulong ng mga programa para sa tamang pangangasiwa ng basura at pangangalaga sa kalikasan.

Isa rin aniya sa mga layunin ng programa ay makapagbigay ng parangal at insentibo sa mga barangay na makakapagtala ng pinakamataas na grado sa bawat taon.

Batay sa inilabas na Regional Memorandum Circular No. 2023-010 ng DILG ay inisa-isa ni Mallari ang mga nadagdag na indicator at proseso sa pagtatasa ng mga barangay sa ilalim ng BECA para sa taong ito.

Kabilang dito ang hindi lamang pagkakaroon ng plano kundi maipakita ng barangay ang implementasyon ng kanilang Solid Waste Management Action Plan.

Isa pa sa mga isinamang indicator ay ang pagtitiyak na functional ang enforcement team ng barangay hinggil sa wastong pangangasiwa ng basura at pagpapanatili ng malinis na kapaligiran sa buong komunidad.

Para naman sa mga barangay na makakaabot sa regional assessment level ay mayroon ng karagdagang puntos ang pagkakaroon at pagtatatag ng community garden.

Bukod sa tatlong nabanggit na mga bagong indicator ay nariyan pa rin ang mga dating panuntunan tulad ang pagkakaroon ng functional na Barangay Solid Waste Management Committee; pagkakaroon at pagpapatupad ng ordinansa na “No Segregation, No Collection Policy”; at kakayahang matukoy ang porsyento ng mga sambahayang nagsasagawa ng segregasyon ng basura.

Kasama pa rin sa BECA ang dating indicators tulad ang pagkakaroon at pagpapatupad ng ordinansa hinggil sa bawal na pagkakalat, ilegal na pagtatapon ng basura at open burning; gayunin, ang pagkakaroon at napakikinabangang Barangay Materials Recovery Facility.

Binanggit ni Mallari na magkahiwalay ang kategorya at pagbibigay ng grado sa mga barangay mula sa mga bayan at siyudad na mayroong passing rate na 70 porsyento.

Ang mga miyembro ng komite ay binubuo ng Highly Urbanized City Director o Municipal/ City Local Government Operations Officer ng DILG, kasama ang City/Municipal Environment and Natural Resources Office at kinatawan ng Information Office o kaya ng Civil Society Organization (CSO), na silang magtatasa para sa unang lebel ng assessment sa mga munisipyo at siyudad.

Ang mga Provincial Assessment Committee naman ay binubuo ng DILG, Department of Environment and Natural Resources- Provincial Environment and Natural Resources Office, Provincial Government Environment and Natural Resources Office, at mga kinatawan ng Philippine Information Agency at CSO.

Pareho rito ang mga miyembro ng Regional Assessment Committee na kinabibilangan din ng DENR- Environmental Management Bureau.

Responsibilidad ng mga nabanggit na komite na makipag-ugnayan at maipaliwanag sa mga barangay ang layunin, panuntunan at proseso ng BECA kasama na ang pangangalap ng mga dokumento o patotoo na kailangan para sa assessment.

Matapos magsagawa ng table assessment at on-site inspection ay magpapasa ng nominasyon ang mga komite mula sa lungsod at bayan papunta sa provincial level na kung saan tutukuyin ang may pinakamataas na grado para sa city at municipal category na iaakyat bilang nominado sa Regional BECA.

Awtomatiko nang makakatanggap ng P30,000 ang mga barangay na magkakaroon ng pinakamataas na grado sa buong probinsiya mula sa city at municipal category.

Para naman sa mga magwawagi sa regional level ay mag-uuwi ng P150,000 cash incentive ang barangay na itatanghal na 1st place, P100,000 naman ang 2nd place, at P80,000 ang nasa ikatlong pwesto para sa magkaibang katergorya na lungsod at bayan.

Ang mga magwawaging barangay sa buong rehiyon ay papangalanan sa gaganaping awarding ceremony sa darating na buwan ng Oktubre.

Sa datos ng DILG noong nakaraang taon, nasa 46% o 1,066 barangay mula sa kabuuang bilang na 2,324 na sakop ng BECA ang pumasa sa assessment sa rehiyon. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here