LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Isinusulong ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) at Provincial Advisory Group for Police Transformation and Development (PAGPTD) na matiyak ang kaligtasan ng mga siklista sa lalawigan at malatagan ng mga bike lane ang mga pangunahing lansangan.
Iyan ang layunin ng ginanap na “Sikad 2 ng Pulisya at Komunidad Tungo sa Ganap na Pagbabago” kung saan nasa 600 na mga siklista ang lumahok sa may 40 kilometrong pagbibisikleta na nagsimula sa Kampo Alejo Santos sa lungsod ng Malolos.
Ayon kay PAGPTD-Bulacan Vice Chairperson Reneil Mercado, tumahak ito sa Manila North Road patungong bayan ng Calumpit, kumanan sa Calumpit-Pulilan Road, kumaliwa sa Pulilan-Baliwag Diversion Road kung saan mayroon itong 9.5 kilometrong bike lane sa magkabilang panig, kumanan sa Daang Maharlika mula sa lungsod ng Baliwag hanggang sa Plaridel, at pabalik sa Kampo Alejo Santos.
Bawat isang kalahok sa Sikad 2 ay nag-ambag ng P350 sa kada ticket kung saan tinatayang nasa P210,000 ang nalikom.
Gagamitin ito para makumpleto ang mga pasilidad sa bagong tayo na Multipurpose Building ng BPPO sa loob ng Kampo Alejo Santos.
Kabilang na riyan ang mga upuan, kabinet, lamesa, tripod at sound system. (CLJD/VFC, PIA Region 3-Bulacan)