Home Headlines Kapitolyo tutulong gawing premier event suppliers ang BESA sa Metro Manila

Kapitolyo tutulong gawing premier event suppliers ang BESA sa Metro Manila

530
0
SHARE
Tampok sa idinaos na 7th Kasalan at Okasyon Bridal & Events Fair sa Robinson’s Place Malolos at sa SM City Marilao ang isang fashion show na tampok ang mga makabagong disenyong Bulakenyo na Baro't Saya, Terno at Barong Tagalog. Bahagi ito ng promosyon upang maging premier event suppliers ang Bulacan Event Suppliers Association sa Metro Manila. (BESA)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Isinusulong ng pamahalaang panlalawigan na tuluyang maging premier event suppliers ng Metro Manila ang mga kasapi ng Bulacan Event Suppliers Association (BESA).

Ito’y upang lubos na makalikha ng mga karagdagang trabaho para sa mga Bulakenyo.

Sa pagbubukas ng 7th Kasalan at Okasyon Bridal & Events Fair sa Robinson’s Place Malolos, sinabi ni Bise Gobernador Alexis Castro na hindi nalalayo ang mga Bulakenyong event suppliers sa taas ng kalidad, ganda at class ng gayak ng mga disenyo at sistema ng pagsasagawa ng mga events sa mga kasabayan nito sa Metro Manila.

Ang tanging pagkakaiba lamang aniya ay ang malaking kamurahan ng presyo ng mga event suppliers mula sa Bulacan.

Kaya’t para sa bise gobernador, panahon nang pag-aralan ang pagbibigay ng insentibo para mas mapalawak pa ang ganitong uri ng mga promosyon sa labas ng lalawigan.

Ayon kay BESA President Gilbert De Jesus, target ng samahan na maidaos na sa Metro Manila itong Kasalan at Okasyon Bridal & Events Fair sa susunod na mga taon.

Ito’y upang mas masalo ang merkado ng kabisera ng bansa at paligid na mga lungsod nito.

Magiging bentahe nito ang 25 porsyento na kamurahan ng mga event packages na maiaalok ng mga kasapi ng BESA.

Hinalimbawa ni De Jesus na sa Bulacan, kaya nang makapagsagawa ng isang event na maganda, maayos, masarap ang pagkain at class sa halagang P200 libo lamang para sa 80 katao.

Ang event industry sa lalawigan ay tinatayang nasa P5 bilyon na ang halaga na hanapbuhay ng nasa halos dalawang libong mga Bulakenyo mula sa venue facilities, car rentals, catering, cook, bakers, barista, waiters at waitress, event organizers, make-up artists, heritage workers, videographers, photographers, lights and sound system, singers, dancers at iba pang nasa creative at hospitality industries.

Kaugnay nito, itinampok din sa 7th Kasalan at Okasyon Bridal & Events Fair ang isang fashion show sa tulong ng Runway Institute na isang premier talent and model management and pageant machinery na nakabase sa Bulacan.

Itinampok dito ang mga Barong Tagalog, Baro at Saya at ang Terno na disenyong Bulakenyo.

Panahon pa ng mga Kastila nang magkaroon ng mga nananahi at nagbuburda sa Bulacan dahil paggawa ng kasuotan ng mga rebultong santo. Ito ang pinagmulan ng mga mananahi ng traje de boda at Barong Tagalog sa mga kasalan.

Pagsapit ng dekada 60, nagsimulang mabuksan ang lokal na mga boutique sa Bulacan.

Taong 2009 nang masimulang maorganisa ang mga fashion groups sa Bulacan mula nang sumibol ang iba’t ibang pageant camps at mga modeling organizations. Itinaguyod ng pagmomodelong ito ang mga disenyong Bulakenyong pormal na kasuotan.

Nakiisa rin sa fair ang mga bagong tayo na events place, pavilion at iba pang may pasilidad na maaring pagdausan ng mga okasyon.

Bukod sa idinadaos na fair ng BESA sa Robinson’s Place-Malolos, mayroon pang binuksan na isa pang edition nito sa SM City Marilao.

Ang BESA ay naitatag noong 2015 sa pamamagitan ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here