Kapitan binaril, patay

    313
    0
    SHARE
    SAN RAFAEL, Bulacan – Kinarit ni Kamatayan ang isang kapitan ng barangay sa bayang ito matapos pagbabarilin habang nakasakay sa kanyang sasakyan sa harap ng munisipyo kahapon ng tanghali.

    Ang biktima ay nakilalang si Ernesto Mempin, kapitan ng Barangay Dagat-dagatan sa bayang ito.

    Ayon sa mga saksi, kalalabas lang ni Mempin ng munisipyo ng bayang ito kung saan siya ay dumalo sa flag ceremony kahapon ng umaga, at patungo sa La Familia Restaurant sa bayan ng Baliuag upang doon mananghalian kasama ang iba pang kapitan at kaibigan.

    Ngunit pagkasakay pa lamang ni Mempin sa kanyang multi-cab ay isang armadong lalaki ang kumatok sa bintana nito.

    Pagbukas ng biktima ng bintana ng kanya multi-cab ay sinalubong siya ng sunod-sunod na putok mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

    Si Mempin ay nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo, pisngi at leeg, at isinugod pa sa di kalayuang Baliuag District Hospital, ngunit idineklara siyang dead on arrival.

    Ayon sa mga saksi, ang salarin ay may kasamang dalawa pang lalaki na nakasakay sa isang motorsiklo.

    Ang salarin ay walang helmet, ngunit ang dalawang kasama na nagsilbing look-out at driver ay nakasuot ng helmet.

    Patuloy pa ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente samantalang nagpahayag ng pagkabigla si Mayor Lorna Silverio ng bayang ito.

    Ito ay dahil sa katatapos lang nilang mag-usap ni Mempin sa loob ng munisipyo, bukod pa sa kasama niya ito sa paglulunsad ng Character Municipality sa bayang ito noong nakaraang taon.



    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here