Home Opinion Kapanatagan ng loob

Kapanatagan ng loob

232
0
SHARE

SALAMAT SA Diyos at inalis na ang parusang kamatayan sa ating batas sa Pilipinas. Totoo naman kasi na madalas magamit ang batas laban sa mga taong wala namang kasalanan pero gusto lang gipitin ng mga nasa kapangyarihan.

At hindi totoo na epektibo ito bilang paraan ng pagsupil sa kriminalidad sa lipunan. Mas delikado sa lipunan kapag ang mismong mga alagad ng batas ang nagiging instrumento ng kriminalidad, lalo na kapag lumakas ang loob nila na abusuhin ang kapangyarihan, kapag sa tingin nila ay hindi sila mapapanagot ng batas, kapag para sa kanila sila na mismo ang batas o hawak nila ang batas.

Sa kasaysayan ng ating bansa, noong mayroon pang death penalty sa atin, iba’t iba ang paraan ng pagbitay na ginamit ng gobyerno. Noong panahon ng gobyernong kolonyal ng Espanya, garrote ang paraan ng pagbitay, katulad ng ginawa sa tatlong paring sina Padre Gomez, Burgos, at Zamora, o firing squad naman tulad ng ginawa sa ating bayaning si Jose Rizal. Noong panahon ng mga Amerikano pagbibigti naman ang paraan ng pagbitay o pagparusang kamatayan.

At inabot ko pa noong bata pa ako ang silya elektrika noong martial law, at ang lethal injection noong pagkatapos ng martial law. Natigil nga ito noong 2006, pero nauso naman ang EJK pagkatapos—mga iligal na paraan ng pagbitay pero tahimik na sinang-ayunan ng maraming Pilipino dahil sa paniwala nilang mabisang paraan ito ng pagsupil sa kriminalidad.

May narinig ako noon na mga kuwento ng mga paring chaplain na umalalay sa mga binibitay sa Bilibid. Ang iba daw, dahil sa tindi ng kaba at takot sa nalalapit nilang kamatayan, dinadala pa lang sa lugar kung saan bibitayin, nagwawala na sila at nagsisisigaw, ang iba’y nagsusuka, may naiihi sa pantalon, at merong nababaliw.

Ano ang nakikita nating kakaiba sa kuwento ni San Lukas tungkol sa pagharap ni Hesus sa parusang kamatayan sa krus? Una, kalmado siya; panatag ang loob na humarap sa mga umuusig sa kanya.

Pangalawa, nanindigan siya na walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanya. Pangatlo, pinigilan niya ang paggamit ng dahas, at pinagaling pa niya ang nasugatan na kampon ng mga umuusig sa kanya.

Pang-apat, nagpatawad siya; hindi nagbitiw ng mga banta ng paghihiganti. (Itinuring niya sila bilang hibang o nawawala sa sarili.). At panglima, hanggang sa huling sandali nagbibigay pa rin siya ng pag-asa—katulad ng ginawa niya sa tulisan na katabi niyang nabitay sa kalbaryo.

Pero hindi rin totoong hindi siya natakot. Tao rin siya. Subalit hinarap niya ang takot niya sa gitna ng pananalangin niya sa hardin ng Gethsemani, hanggang sa napalitan ito ng kapanatagan ng loob.

Kapanatagan sa pagharap sa pagsubok—ito ang sinisimbolo ng palaspas na minana lang natin sa bayang Israel mula sa karanasang pinagdaanan nila sa disyerto. Kaya pala naging simbolo din ito ng ating mga bayani at martir sa simbahan.

Ginawang tanda at sagisag ng pagbibigay-patotoo, sa matibay na pagyakap at paninindigan sa kalooban ng Diyos. Ito kasi ang larawan na ginamit bilang alaala ng bayang Israel, na sa maraming beses ay natukso ring masiraan ng loob sa paglalakbay nila sa disyerto, matapos na tumakas sa pagkaalipin mula sa Ehipto.

Ang palaspas ay para bang pampalakas-loob sa kanila na magpatuloy sa paglalakbay, sumulong, huwag umatras, humarap sa init, sa pagod, sa uhaw, sa gutom, sa dusa at kamatayan na walang hinahangad sa puso kundi ang makapasok sa Lupang Pangako.

Ganoon kung umusbong ang PAG-ASA. Na kapag madilim ang paligid, sa kalooban, sa puso at diwa tayo maghahagilap ng liwanag na siyang gagabay sa atin upang magtiyaga at magpunyagi. Ganoon kasi ang totoong mga kuwentong buhay natin—hindi naman laging matamis, maginhawa at masarap ang mga daranasin ng taong nagmamahal.

Pero pagmamahal din ang nagpapalakas sa atin para harapin ang anumang pagsubok, pagtitiis, pagdurusa na may pananampalataya at tiwalang hindi tayo nag-iisa.

Sa ganitong paraan lamang natin nabibigyan ng saysay at kahulugan ang mga krus sa buhay natin. Mas masakit daw ang magdusa kapag di natin mabigyan ito ng kahulugan.

Ito ang pinakamahalagang aral na kaloob ni Kristo sa atin na mga alagad niya. Siya lang ang makapagtuturo sa atin kung paano mapapagaan ang mabibigat na pasanin.

Na kung susunod tayo sa landas ng kalbaryo, matatagpuan natin sa kanyang piling ang hinahon, kapanatagan, at tiwala.

Na kung haharapin natin ang ating mga pagdurusa at kamatayan bilang pakikiisa sa kanyang pagdurusa at kamatayan ay mabibigyan natin ito ng kahulugan bilang partisipasyon o pakikilahok sa kanyang misyon ng pagtubos sa mundong nakasangla, misyon ng pagpapalaya mula sa pagkakabihag, ang misyon pag-aalay at pagbibigay-buhay sa ikatatagumpay ng paghahari ng Diyos.

(Homiliya para sa Linggo ng Palaspas, 13 Abril 2025, Lukas 22-23)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here