Kapampangan draftsman binaril sa mukha, patay

    362
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang Kapampangang draftsman matapos barilin sa mukha kahapon ng umaga dito, ang ikalimang araw ng pagdiriwang ng taunang Singkaban Fiesta.

    Ang biktima ay kinilala ni Supt. Baltazar Mamaril, hepe ng pulisya ng bayang ito, na si Albino Macapagal y Padilla, 44, draftsman, residente ng Barangay Sampaloc sa Apalit, Pampanga.

    Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, nakatayo si Macapagal sa southbound lane ng MacArthur Highway sa tapat ng gate ng Northfields Subdivision sa Barangay Longos ng lungsod na ito bandang alas 8:30 ng umaga ng barilin ng malapitan ng isang lalaking nakaangkas sa motorsiklo.

    Ayon sa mga saksi, ang biktima ay tinamaan sa mata at namatay noon din; samantalang ang mga suspek ay tumakas pabalik sa bayan ng Calumpit.

    Sinabi ni Mamaril na kabababa lang ni Macapagal sa jeepney upang tumawid sa kalsada patungong NorthFields Subdivision kung saan matatagpuan ang bahay ng kanyang kapatid na kanilang ginagawa.

    Nakarekober ang pulisya ng isang basyong bala mula sa kalibre .45 pistola. Tinataya ng pulisya na anggulong love triangle ang motibo sa pamamaslang.

    Ang nasabing insidente ng pamamaslang ay naganap sa ikalimang araw ng taunang walong araw na Singkaban Fiesta na kasalukuyang ipinagdiriwang sa bakuran ng kapitolyo may apat na kilometro ang layo sa crime scene.

    Nito lamang Linggo ng madaling araw, isang bangkay ng hinihinalang biktima ng salvage ang natagpuan sa bayan ng Marilao.

    Una rito, dalawa katao ang natagpuan patay sa bayan ng Norzagaray noong Agosto 17.

    Noong Agosto 11 ng gabi, isang lalaking taga Sampaloc, Maynila ang pinagbabaril sa harap ng South Supermarket sa Barangay Longos sa lungsod na ito; at noong Agosto 9, namaril ang body guard ng mayor ng Guiguinto sa tanggapan mismo ng alklade na ikinamatay ng municipal legal officer. 

    Ang nasabing bodyguard ay napatay din matapos makipagbarilan sa mga pulis.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here