KAPALIT NI ROBES
    Bulacan SP naghahanap ng bagong bokal

    270
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Sino ang papalit kay Bokal Romeo Allan Robes sa Sangguniang Panlalawigan?

    Ito ang katanungan ng mga residente ng Bulacan matapos na magbitiw sa tungkulin si Robes noong Martes, Mayo 15 o tatlong buwan matapos niyang mapatay ang dating kinakasama ng kanyang biyenan sa Lungsod ng Quezon.

    Ayon kina Bokal Michael Fermin at Ariel Arceo, naghahanap pa ng papalit kay Robes ang partido nito.

    Sinabi ng dalawa na naghihintay ang Sangguniang Panlalawigan (SP) ng rekomendasyon mula sa partido Lakas-CMD upang magtalagang kapalit ni Robes bilang kinatawan sa SP ng ika-apat na distrito ng Bulacan.

    Si Robes ay isa sa tatlong kasapi ng SP na nagmula sa partido Lakas-CMD, ang partido ni Gob. Wilhelmino Alvarado sa halalan noong 2010.

    Ang dalawa pang kasapi ng Lakas CMD sa SP ay sina Bise Gob. Daniel Fernando at Bokal Ayee Ople ng unang ditrito ng Bulacan.

    Ang paghahanap ng SP ng kapalit ni Robes ay kaugnay ng pagbibitiw sa tungkulin ng bokal na isinagawa sa pamamagitan ng pagpapahatid ng liham sa SP. Hindi dumalo si Robes sa sesyon noong Martes.

    Sa kanyang dalawang pahinang liham, hindi binanggit ni Robes ang kasong homicide na isinampa laban sa kanya kaugnay ng kanyang pagkakapaslang kay Noel Orate, ang dating lover ng kanyang biyenan na si dating Kint. Nannette Castelo-Daza ng Lungsod ng Quezon.

    Si Robes ay kasal sa anak ni Castelo Daza na si Jessica Daza-Robes na isang konsehal ng Lungsod ng Quezon.

    Sa naunang pahayag, sinabi ni Robes na ang pagkakapaslang kay Orate ay “self-defense” dahil umano sa “hinostage at pinagbantaan silang patayin.”

    Sa kanyang liham pagbibitiw sa SP, sinabi ni Robes na hindi siya magiging epektibong kasangguni at hindi na rin niya na magawa ang kanyang tungkulin bilang bokal ng ika-apat na distrito.

    “It is with deepest sadness and regret that I am constrained to tender my irrevocable resignation as member of the 7thSangguniang Panlalawigan,” ani Robes sa kanyang liham na may petsang Mayo 11, ngunit tinanggap lamang ng SP noong Mayo 15.

    Ayon kay Robes, hindi naging madali ang kanyang desisyon kung saan ay tinanong din niya ang kanyang mga kapamilya.

    “This trying period in my life has necessitated me to direct my attention outside the district which I represent. 

    I refuse to continue to enjoy the privileges accorded my position when I cannot properly attend the needs of my constituents. More importantly, I cannot be an effective member of this august body nor can I discharged my oath and duties while my attention is elsewhere,” aniya.

    Sinabi pa ni Robes, “therefore I am resigning.  As much as I would like to continue serving my fellow Bulakenyos, I can no longer do so with my full attention and time.”

    Kaugnay nito, nagpahayag ng kalungkutan ang mga kasapi ng SP sa pagbibitiw ni Robes.

    Bawat isa sa kanila ay nagpahayag ng panghihinayang kay Robes na inilarawan nilang naging biktima lamang ng pagkakataon.

    Binigyang diin pa ng mga kasapi ng SP hindi masamang tao si Robes at hindi ito basta papatay ng tao, maliban na lamang kung hinihingi ng pagkakataon, katulad ng nangyari sa bahay ng kanyang biyenan noong Pebrero 10.

    Samanatala, sinabi naman ni Bise Gob. Daniel Fernando na makikipag-ugnayan ang SP sa partido ni Robes upang magbigay ng rekomendasyon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here