MALOLOS CITY—Hindi bababa sa 100,000 Bulakenyo ang maaaring masawi kapag nasira ang Angat Dam, ayon sa mataas na opisyal ng Engineering and Development Corporation of the Philippines (EDCOP) na nagsagawa ng pag-aaral sa nasabing dam noong 2012.
Kaugnay nito, ikinakasa ng Kapitolyo ang isang malawakang earthquake at dam break drill ngayong Disyembre kung saan ay kasama ang malalaking pamantasan sa lalawigan bilang paghahanda sa posibilidad ng malakas na lindol na maaaring sumira sa Angat Dam at sumalanta sa Bulacan.
Ang paghahanda ay bahagi ng pagpapataas ng kakayahan ng mga Bulakenyo sa mga kalamidad matapos masalanta ng magkakasunod na kalamidad ang ibat-ibang bahagi ng bansa na kumitil sa libo- libong buhay.
Ngunit kung ang pag-uusapan ay ang bilang ng nasawi sa Visayas na umaabot sa mahigit 5,560 matapos manalasa ang bagyong Yolanda, ito ay katiting lamang kumpara sa posibleng maging bilang ng masasawi sa Bulacan at ilang bayan sa Pampanga at Kalakhang Maynila.
Sa panayam kay Noel Ortigas, executive vice president ng EDCOP, sinabi niya ng tuwiran na aabot sa 50 hanggang 60 porsyento ng Bulacan ang maaapektuhan ng posibleng pagkasira ng Angat Dam. Ang pahayag na ito ay dalawang beses na nilinaw kung saan ay binanggit na umaabot na sa halos tatlong milyon na ang populasyon ng lalawigan.
Ayon kay Ortigas, “hindi naman lahat na yon ay fatal, may makaka- survive din” at idinagdag pa na batay sa kanialng pag-aaral may mga bahagi ng Bulacan na aabot sa 10 hanggang 30 metro ang lalim ng tubig, may bahagi rin na lima hanggang 10 metro at tatlo hanggang limang metro lamang.
Ngunit batay sa pagaaral ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert na nagmula sa Hagonoy na nakabase sa Amerika, posibleng umabot sa 60 talampakan ang bahang ihahatid sa Hagonoy at ibang bahagi ng Bulacan kung masisira ang Angat Dam.
Inihalimbawa niya na noong 2011 ay 1,500 cubic meters lamang ng tubig ang pinatapon ng Anghat Dam aylumubog sa mahigit isang metrong baha ang Hagonoy. Kung masisira ang Angat Dam, tinatayang aabot sa mahigit 850-milyon kubiko metro ng tubig ang raragasa.
Dahil dito, higit pang inusisa si Ortigas kung ilan sa maaapektuhang 50 hanggang 60 porsyento ng tatlong milyong populasyon ng Bulacan ang posibleng masawi. Hindi agad kumibo si Ortigas, ngunit nang magbigay ng numero ang mamamhayag na ito tulad ng 100,000 ay umayon siya.
Si Ortigas ay nakapanayam matapos ang isang pulong ng mga bumubuo sa Angat Dam Break Technical Working Group na naghahanda ng emergency action plan.
Ngunit para sa mga opisyal ng Bulacan, ang bilang na ito ay konserbatibo. Sa hiwalay na panayam kay Gob.Wilhelmino Alvarado, inihalimbawa niya ang pinsalang ihahatid sa Bulacan ng posibleng pagkasira ng Angat Dam sa pagsabog ng isang bombang nukleyar.
“Parang nuclear yan na sumabog, halos walang matitira,”sabi ni Alvarado. Una rito, sinabi ng gobernador na kapag nasira ang Angat Dam ay “sa West Philippine Sea na tayo pupulutin.” Gayunpaman, sinabi ng gobernador na ang mga pahayag na ito ay hindi upang takutin ang mga Bulakenyo.
Sa halip binigyang diin niya na ito ay isang pagtatangka sa pagmumulat ng isipan ng bawat isa upang bigyang importansiya ang paghahanda. Iginiit pa ni Alvarado na lubahang mahalaga ang paghahanda ng bawat mamamayan sa isang malawakang delubyo.
“Lindol ang pinag-uusapan natin, kapag umuga yan, hindi lang naman dito sa Bulacan ang apektado at hindi lang Angat Dam, dahil yung West Marikina Valley Faultline ay hanggang Batangas. So, marami ang mapipinsala, at marami ang mangangailangan ng tulong. Sino ang tutulong sa atin, kundi tayo rin,” sabi ni Alvarado.
Dahil dito,naghahanda para sa isang earthquake at dam break drilling Bulacan na lalahukan ng Bulacan State University, La Consolacion University- Philippines at iba pang pamantasan ngayong Disyembre. Ito ay inayunan ng Office of the Civil Defense (OCD) sa Gitnang Luzon na noong 2011 ay nagbigay ng payo sa Bulacan State University na magbuo ng sariling earthquake emergency response team.
Ayon sa OCD kapag yumanig at nagdulot ng lindol ang Marikina Valley Faultline, apektado ang Kalakhang Maynila, Bulacan at Pampanga. Iginiit pa ng OCD na kung malaki ang magiging pinsala sa Kalakhang Maynila, hindi makakarating sa Bulacan ang mga rescuers dahil doon pa lamang ay magiging abala na sila.
Inayunan din ito ni Ramon Santiago, isang public safety consultant ng Metro Manila Development Authority
(MMDA). Sa pahayag ni Santiago, sinabi niya na batay sa mga pag-aaral, tinatayang aabot sa 33,000 ang inisyal na maaaring masawi sa lindol sa Kalakhang Maynila, bukod pa ang tinatayang 113,000 masusugatan.
Ngunit ang higit nilang ipinangangamba ay ang pangmatagalang epekto ng malakas na lindol sa Kalakhang Maynila. Ito ay dahil sa hindi man masira ang dike ng Angat Dam, posible namang magkaputol- putol sa mahigit 4,000 piraso ang pipeline ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na ginagamit sa pagpapadaloy ng tubig inumin sa may 13 milyong residente