Kaninong listahan ang talagang totoo?

    507
    0
    SHARE

    KUNG BASE dito sa isa pang listahan
    ng ‘PDAF releases’ bago ang halalan
    ‘Year 2013’ – ay hindi kabilang
    si Ramon Revilla, Jr. sa tinuran

    Na nangumisyon o mga nakatanggap
    ng ‘share’ nila mula sa nasabing PDAF,
    Kung saan sa DBM galing ang ulat;
    at di kay Napoles, Luy, Lacson nagbuhat

    O ng sino pa mang may listahang tangan,
    kundi ang ‘Department of Budget’ ang siyang
    may ulat na itong PDAF na naturan
    ay gawa na bago ang ‘Highest Tribunal’

    Ay nagpasiya na ang bagay na nasabi
    ay ‘unconstitutional’ sa tuwirang sabi,
    At karamihan n’yan ay na-‘release’ pati
    bago mag-eleksyon (kung kaya posible?)

    Ang isang bagay na nakapagtataka
    ay itong kung bakit ang hindi kasama
    sa listahan nitong DBM ay siya pa
    ang sa Camp Crame ay pinakulong nila.

    Gayong hindi pa man siya nalilitis
    sa alin manding ating ‘bar of justice?’
    At ni pag-‘post’ ng ‘bail’ lubos pinagkait
    kung kaya maaring yan ay panggigipit?

    O sadyang ang batas na pina-iiral
    laban sa kaaway na pampulitikal
    ng nangakaupo riyan sa Malakanyang
    ay ang tinatawag na ‘weather-weather’ lang?

    (Na kagaya nitong dinaranas ngayon
    ng ating butihin at dating Pangulong
    Gloria Macapagal na ipinakulong
    ng mga kakampi ng administrayon

    Na ayaw din nilang makasilip man lang
    sa mahal na bayan niyang sinilangan,
    gayong ni hindi pa man napatunayan
    na nagkasala ng pandarambong si Mam!)

    Ang usapin hinggil sa isyu ng PDAF
    ay di basta na lang yan kaagad-agad
    posibleng mabigyan ng dagliang lunas
    sa pamamagitan ng ika nga’y dahas

    At paghuli basta sa itinuturong
    anila’y sangkot sa grabeng pandarambong,
    Kundi sa maingat na imbestigasyon
    at prosesong legal marapat ituon.

    Masakit para sa ninumang nilalang,
    lalo na sa mga nasa katungkulan
    ang ibilad agad yan sa kahihiyan
    ng dahil lamang sa paninira minsan.

    Katulad na lamang nitong kung alin pa
    itong sa ‘DBM list’ ay di kasama
    – na dili’t iba nga ay si Bong Revilla –
    ang siyang kumbaga ay sinampolan nila.

    Di ko sinasabing walang kasalanan
    si Mr. Revilla o ang sino pa man,
    Pero ano’t hindi natin sila bigyan
    ng ‘day-in-court’ bago dalhin sa kulungan?

    At pansamantala payagang magpyansa
    dahil sila’y di pa ‘convicted’ kumbaga;
    At hayaan munang ipagtanggol nila
    ang sarili sa’ting korte ng hustisya.

    Papano kung sila ay biktima lamang
    ng ‘demolition drive’ o ng ano pa man?
    At pagkaraan ay saka matuklasan
    ng Korte na sila’y walang kasalanan?

    Maibabalik pa bang dangal na nasira
    ng taong dumanas ng pagkapahiya,
    matapos ang lahat, at siya’y mapalaya
    ng Korte sapagkat ya’y inosente nga?

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here