BULAKAN, Bulacan — Inalayan ng mga kandila at bulaklak ang puntod ng bayaning si Marcelo H. Del Pilar sa bantayog nito sa Barangay San Nicolas ngayong Undas.
Ang mga kandila at bulaklak ay inialay ng mga kaanak, pamunuan ng Del Pilar Shrine at ilang local journalist na gumugunita sa pagyao at pagrespeto sa kadakilaan ni Del Pilar.
Maging ang puntod ng mga kaanak ng bayaning si Del Pilar na naroon sa loob ng shrine ay may mga nakatulos ding kandila at bulaklak.
Si Del Pilar ay isa sa mga bayaning Bulakenyo na nakilaban gamit ang pamamahayag para sa kalayaan ng mga Pilipino noong panahon ng Kastila.
Sa lugar din na ito nakatindig ang kanilang bahay na sinunog ng mga Kastila noong panahon ng pakikibaka ni Del Pilar laban sa mga prayle.
Ang bangkay ni Del Pilar ay inilagak sa nasabing shrine noong Aug. 30, 1984.
Si Del Pilar ay namatay noong July 4, 1896 kung saan inilagak naman ang kanyang bangkay sa isang hiram na puntod sa Espanya.
Taong 1920 naman nang iuwi ito sa Pilipinas at inilagak sa Mausoléo de los Veterános de la Revolucion sa Maynila bago permanenteng inilagak sa libingang ito.