HAGONOY, Bulacan—Dahil sa pangamba, nananawagan sa Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato ng Liberal Party (LP) sa Pampanga dahil sa tumataas na bilang nga karahasan partikular na sa bayan ng Masantol.
Ito ay matapos dukutin ng anim na armadong kalalakihan ang isa sa mga lider ng LP sa nasabing bayan. Ito ang ikalawang insidente ng pagdukot sa lider ng LP sa Masantol sa loob ng tatlong linggo.
Ayon kay Marcelo “Bajun” Lacap, kandidato ng LP sa pagka-bise alkalde sa nasabing bayan, dinukot ng anim na kalalakihan si Emmanuel Bonifacio sa kanyang bahay sa Barangay Cambas, Masantol bandang alas-10 ng gabi noong Lunes.
Ang bayan ng Masantol ay matatagpuan sa timog kanlurang bahagi ng Pampanga katabi ng bayan ng Hagonoy sa Bulacan.
Sa pahayag ni Lacap sa Radyo Bulacan noong Miyerkoles, Mayo 1, sinabi niya na may posibilidad na isang kaso ng mistaken identity ang naganap dahil bago palayain ang biktima isa sa mga suspekang nagsabing “wrong subject.”
Si Bonifacio ay pinalaya ng anim na hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Sta.Lutgarda sa katabing bayan ng Macabebe noong gabi ring iyon.
Ayon kay Lacap,si Bonifacio ay puwersahang isinakay sa isang van ng anim na lalaki at piniringan ang mata matapos dukutin sa kanyang bahay.
Pinalaya lamang si Bonifacio nang alisin ang piring at matukoy na hindi siya ang pakay ng mga suspek.
Una rito, isang kagawad ng Barangay Bebe Anac ang dinukot matapos mapagkamalang si Kagawad Ely Macalino. Pinalaya din ang kagawad.
Ayon kay Lacap, bago pa magsimula ang kampanya sa halalan lokal ay 12 katao na ang pinaslang sa bayan ng Masantol, bukod pa sa mga tinatatakot at pinagbabantaan.
Inamin niya na siya man ay nakatanggap ng pagbabanta sa buhay, maging sina Kapitan Boom-boom Bautista ng Barangay Malauli, at Kapitan Edgar Guinto ng Barangay Sta. Lucia Anac na pawang nagsisilbing lider ng LP.
“Nananawagan na kami sa Comelec na bigyang pansin ang Masantol dahil sa lumalalang karahasan at isailalim ito sa Comelec control,” ani Lacap.
Bilang kandido ng LP na pinagungunahan sa Pampanga ni dating Gob. Ed Panlilio, makakatunggali ni Lacap at kapartido ang mga kasapi ng partidong Kambilan ni incumbent Governor Lilia Pineda.