SAMAL, Bataan: Nagsimula nang magbomba ng gamot laban sa mga lamok ang Barangay Sta. Lucia sa bayang ito nitong Miyerkules, Agosto 23, upang maiwasan ang nakamamatay na dengue at bilang paghahanda sa nalalapit na pasukan sa paaralan ng mga bata.
Pinangunahan ang pagbobomba nina barangay kagawad Zaldy Lazarte, Bon Jovy Reyes at Rhyan Guardian matapos, anilang, makatanggap ng ulat na maraming lamok na namamahay sa tabi ng highway, kanal at paaralan.
Gamit ang sprayer, matiyagang sinuyod ng tatlo ang iba-ibang lugar na inereklamong maraming lamok.
“Ipagpapatuloy namin ito habang may ulat na may lamok sa alinmang sityo ng Sta. Lucia,” pahayag ni Lazarte.
Sinabi ng tatlo na mabuti nang mapuksa habang maaga ang mga lamok bilang proteksiyon lalo na sa mga batang papasok sa paaralan. (30)