Sa isang forum on political dynasties na isinagawa ng Movement Against Dynasty sa Wesleyan University-Philippines (WUP) sa lungsod na ito ay nakuha ang simpatya ng nakararaming magaaral at mabilis nakalikha ng MAD Youth Sector- Nueva Ecija Chapter nitong Miyerkules.
Ayon kay Quintin San Diego, national chairman ng MAD, masyado pang malawak ang dinastiya sa bansa at negatibo ang epekto nito sa larangan ng pamamahala. “Ang gusto natin ay isa lang kada angkan,” ani San Diego.
May apat na taon na raw nilang inilalaban ang ganitong prinsipyo at nakakita sila ng pag-asa nang banggitin ni Pangulong Aquino sa kanyang nakalipas na State of the Nationa Address ang usapin.
“Mukha nga lang wala nang panahon pero kahit paano ay may mensahe ito laban sa political dynasty,” saad ni San Diego.
Aminado si San Diego na nakabinbin sa Commission on Elections ang kanilang aplikasyon para maging partylist ang MAD pero hindi naman daw yaon ang kanilang prayoridad. Kung sakali aniya na hindi sila makatuloy bilang partylist ay patuloy pa rin ang kanilang kampanya upang makalikha ng batas laban sa dinastiya kahit sa pamamagitan ng people’s initiative (PI).
Ang kampanya ay ginawa ng grupo sa Nueva Ecija sa gitna ng napipintong paglaban sa nalalapit na May 2016 national and local elections ng ilang magkakamag- anak sa lalawigan. Kabilang dito sina incumbent Gov. Aurelio Umali na nagpahayag ng intesniyong kumandidato sa pagka-kinatawan ng ikatlong distrito na dati niyang naging posisyon. Papalitan siya sa pagka-gubernador ng kanyang maybahay, incumbent 3rd District Rep. Czarina Umali.
Makakalaban ni Gng. Umali sa pagka-gubernador si dating 4th Dist. Rep. Rodolfo Antonino, ama ni incumbent Rep. Magnolia Antonino.
Sinabi na rin ni Mayor Julius Cesar Vergara na kung walang batas na magbabawal ay posibleng lumaban sa pagka-kongresista sa ikatlong distrito, kalaban ni Umali, ang kanyang maybahay na si Ria Vergara, kasalakuyang pangulo ng Cabanatuan Electic Corp.
Dating magkakampi sa pulitika sina Umali at Vergara subalit tinutulan ni Umali ang kumbersiyon ng lungsod na ito sa pagka-highly urbanized city nitong mga nakaraang taon.
Wala naman raw silang naririnig na pagbatikos sa kanila mula sa mga pamilya na nais kumandidato. Kumbinsido si Queen Jane Aldave, estudyante ng political science sa WUP, na dapat matigil ang political dynasty.
Sa kabila ito ng pahayag ng ilang mag-aaral na tila nagiging judgmental ang mga tao na basta tumitingin sa magkakamag-anak bilang nakasasama sa gobyerno.
“May mga pamilya naman na gusto lang talaga ay maglingkod ng tapat at maayos sa taumbayan,” sabi ng isang mag-aaral sa kolehiyo na nagbigay-diin pa sa tamang pag-uugai bilang mga Kristiyano. “Hindi raw dapat nagiging mapanghusga ang tao sa kanilang kapwa.
Pero marami nang katibayan ng masamang pamamahala na nag-ugat sa dinastiya, ayon kay Aldave.
“Makikita po natin sa record na nakasasama ang dynasty sa gobyerno,” aniya.
Umaasa si san Diego na hindi man ganap na maging batas ang anti-dynasty bill ay makaapekto ang kanilang kampanya sa 2016 elections.