Home Headlines KaltaSSS-Collect Program, inilalapit sa mga barangay

KaltaSSS-Collect Program, inilalapit sa mga barangay

403
0
SHARE

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Nakikipagtulungan ang Social Security System o SSS Cabanatuan Branch sa mga barangay upang mailapit ang serbisyo at benepisyo sa mga mamamayan.

Isa sa matagal nang programa ng ahensya ang KaltaSSS-Collect na hangad mailapit ang serbisyo at pribilehiyo ng pagiging miyembro ng SSS sa maraming sektor ng lipunan.

Sinabi ni SSS Cabanatuan Branch Manager Jose Rizal Tarun na nais ng ahensya na makatulong sa mga barangay worker na nagnanais maging miyembro at mapadali sa paghuhulog ng buwanang kontribusyon.

Sa pamamagitan ng programa ay hindi na kinakailangan pang personal na magtungo ng bawat kawani ng barangay sa opisina ng SSS dahil mayroon na lamang nakatalaga na magdadala ng mga buwanang hulog.

Pinangunahan nina Social Security System Cabanatuan Branch Manager Jose Rizal Tarun (kaliwa) at Entablado, Cabiao Punong Barangay Narciso Franco (kanan) ang paglagda ng kasunduan sa paglulunsad ng KaltaSSS-Collect Program at eCenter upang mailapit ang mga serbisyo at benepisyong kailangan ng mga mamamayan. (SSS Cabanatuan Branch)

Layunin ng programa na mabigyan ng social protection ang bawat empleyado ng barangay mula sa mga health worker, barangay tanod, garbage collector at marami pang iba.

Paglilinaw ni Tarun, mahalaga na sila ay maging miyembro ng SSS upang makatanggap ng mga benepisyo sa panahon ng pangangailangan tulad kung magkasakit, manganak, magretiro at iba pa.

Maliban sa KaltaSSS-Collect Program ay kasama sa pagtutulungan ng mga barangay at Cabanatuan Branch ang paglulunsad ng mga eCenter na aalalay at tutugon sa mga serbisyo na kailangan ng mga nasasakupang mamamayan partikular ang mga magpapasa ng aplikasyon sa pagkuha ng mga benepisyo sa SSS gayundin ang mga nagnanais na magsimula pa lamang maging miyembro.

Sasanayin ng SSS ang mga itatalagang empleyado ng barangay sa paghahatid ng serbisyo tulad sa pagkuha ng SS number, pagpapasa ng aplikasyon sa mga online services at iba pa.

Pahayag ni Tarun, layunin ng SSS Cabanatuan na maisagawa ang mga programang ito sa 643 nasasakupang barangay sa  Nueva Ecija.

Unang ilulunsad ang programa sa barangay Entablado sa bayan ng Cabiao matapos ang paglagda ng kasunduan ngayong Lunes.

Panawagan ni Tarun, bukas at nakahandang makipagtulungan ang ahensiya sa mga barangay na nagnanais mapasama sa paglulunsad ng mga programang makatutulong sa paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here