Kalinga sa biktima ng sigalot

    652
    0
    SHARE

    May kasabihan, “Sampung beses ka nang manakawan, ‘wag lang masunugan nang minsan.”

    Alam natin ang hirap na pwedeng danasin ng mga nasunugan. Bukod sa maaaring may casualties, o injuries ng third degree burns, may mga nakalanghap pa ng makapal na usok, nasunugan ng ari-arian, mga appliances, at iba pang mga kagamitan.

    Sa isang iglap, maaaring mawala ang lahat ng mga naipundar.

    Kaya nga ang mga nasunugan, sa mga natunghayan na natin, dinig hanggang langit ang hagulgol sa pagkawala ng kanilang tahanan, ari-arian, at mahal sa buhay.

    Talagang napakasaklap nang masunugan.

    Pero kabalen ko, higit pa sa nasunugan, may mas kaawa-awa pang sitwasyon ang dinanas o dinaranas pa ng humigit-kumulang dalawang milyon sa ating mga kababayan.  Ano nga ba ito?

    Ito ay ang sapilitang mapalayas sa ating mga tirahan nang dahil sa mga digmaan .

    Tulad ng mga kasalukuyang nagaganap, sa nakaraan, at mga maaari pang maganap na kagulugan, sa Mindanao, at ilang bahagi pa sa bansa.

    Heto ang ilang mga halimbawa at impormasyon:

    Bunsod ng mga bakbakan sa pagitan ng mga sundalong gobyerno at mga Abu Sayyaf noong 2007, umabot na sa 300,000 ang mga napilitang nangagsilikas mula sa kani-kanilang mga tahanan.

    At makaraang pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng administrayong Arroyo at MILF, tinatayang umabot na sa kalahating milyon ang mga nagsilikas sa kanilang mga tirahan.

    Sa mga linggong nakalipas pagkatapos ng Maguindanao Massacre, daan—daang libo ang nagsilikas mula sa kanilang mga tahanan papalayo sa mga bayang malapit sa pook na pinagyarihan ng massacre sa pangamba na madamay pa sila sa naganap na walang-awang pagpatay sa mga mamamahayag.

    Ang sapilitang paglikas ng mga tao mula sa kanilang mga tahanan ay isa nang nakagigimbal na palatandaan na tila mga “war zones” na ang ilang mga lugar sa Mindanao pati na rin sa ibang lugar.

    Kapag nakikita natin ang maramihang paglikas o pagkawala ng mga sibilyan mula sa mga “areas of conflict,” palatandaan itong magiging bigo ang gobyerno na protektahan ang mamamayan nito sa mga kagulugan.

    Kaugnay nito, inihain ko House Bill 205, o ang Internal Displacement Act.

    Ito ay isang panukalang batas na magtatakda ng tulong sa mga sapilitang lumikas o nangawala mula sa kanilang mga tirahan sanhi ng mga naturang sigalot, habulan, at bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at rebelde, o bunsod ng mga alitan ng mga pamilyang may mga private army o ng mga “warring clans,” o dili kaya’y bunsod ng unjustified area development .

    Nakasaad sa HB 205: “Internal displacement refers to involuntary movement or forced evacuation or expulsion of any person or group of persons who flee or leave their homes or places of habitual residence, as a result of or in order to avoid effects of armed conflict, situations of generalized violence, violations of human rights or other natural or human-made disasters.”

    Nakasaad din sa HB 205 ang mga sitwasyon na maituturing na internal displacement, o ang mapa-alis sa tirahan, at sapilitang mapadpad sa ibang pook sa loob ng bansa.

    Ang ilan sa mga ito ay “apartheid o ethnic cleansing, armed conflicts, large-scale development not justified by compelling and overriding public interest, calamities, and disasters.”

    Kapag naging batas na ang HB 205, tatanggap ng hanggang P50,000 ang kaanak ng namatay ng biktima, o iba pang tulong pinansyal bilang mga “actual or compensatory damages for physical, emotional and/or psychological injuries.”

    Bakit kailangan umalalay ang gobyerno sa mga apektadong sibilyan?

    Kapag ang mga sibilyan ay sapilitang lumilikas mula sa kani-kanilang mga tahahan, nang dahil sa kaguluhan o problema na wala naman silang kaugnayan o kinalaman, o iba pang dahilan, sila’y magiging kaawa-awa.

    Ang mga biktima ay walang mapagkukunan ng pagkain, tubig, at mawawalan din sila ng pamamahay, at masaklap pa dito, pati na rin ng mga hanapbuhay.

    Samakatwid, malalagay sa alanganin ang kanilang kabuhayan at kalusugan at mahihinto sa pag-aaral ang mga apektadong kabataan.

    Kailangang matulungan ang mga biktima habang sila’y lumilikas, o kaya’y sa panahon ng kanilang paglilipat, hanggang sa maayos na silang makapamuhay ng payapa sa ibang lugar.

    Para sa unang bahagi ng implementasyon, ang pondo ay magmumula sa Commission on Human Rights, sa Department of Social Welfare and Development, Department of National Defense, Department of Interior and Local Government, at National Risk Reduction and Monitoring Council.

    Kabalen, ayaw man natin, lubhang hindi maiiwasan na magkaroon ng mga bakbakan sa pagitan ng mga sundalong gobyerno at rebelde, o mga grupo tulad ng mga Abu Sayyaf. 

    Bagamat hangad ng mapayapang pamamahala ang mabigyan ng matiwasay na pamumuhay ang mga mamamayan,   may mga sibilyang sadyang madadamay dahil naroon sila sa tinatawag na “areas of conflict.”

    Kapag naisabatas na ang HB 205, nakikita kong maaaring matulungan ang mga kapatid nating kaawa-awang mapapaalis sa kanilang mga kinalalagyan, sa hangad na rin nilang mailigtas at ilayo sa panganib ang kanilang mga pamilya dulot ng mga habulan, armadong bakbakan, at iba pang karahasan.

    Higit sa lahat ito ang batas na magbibigay ng kalinga sa mga biktima ng kaguluhan sa Mindanao, at sa iba pang mga pook sa bansang tinuturing na “areas of conflict.”

    Ito rin ang isa mga magiging matibay na pundasyon ng pagbabago ng ating pamahalaan tungo sa pagbibigay ng mga angkop na mga serbisyo sa mamamayan, lalo na sa mga mahihirap – ang batas na kakalinga sa mga biktima na kaguluhan at karahasan.

    (Kung nais ninyong lumiham kay Cong. Erin, ipadala sa: Hon. Lorenzo R. Tañada III, Office of the Deputy Speaker, House of Representatives of the Philippines, Quezon City, o mag-email sa tanada.erin@gmail.com.)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here