Kaligtasan ng sangkatauhan at mamamahayag tatalakayin sa PPI workshop

    388
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS—Kaligtasan ng sangkatauhan sa banta ng armas na nukleyar, at ng mga mamamahayag sa halalan sa Mayo.

    Ito ang mga tampok na paksang tatalakayin sa ikatlo at huling bahagi ng paghahanda para sa makasaysayang halalan ng mga kasapi ng Philippine Press Institute (PPI) na isasagawa sa Waterfront Hotel sa Lungsod ng Cebu mula Pebrero 2 – 5.

    Bukod dito, tatalakayin ang kahalagahan ng paggamit ng “new media” o internet para sa mga mamamahayag at nakatakdang pagtibayin ang mga napagkasunduan sa naunang workshop na isinagawa sa Lungsod ng Cagayan De Oro, Misamis Oriental noong Oktubre.

    Ayon kay Elmer Cato, first secretary of the Philippine Mission to the United Nations, layunin ng Nuclear non-Proliferation Treaty (NPT) na isasagawa sa Mayo sa New York ang matiyak ang kaligtasan ng sangkatauhan sa banta ng mga armas nukleyar.

    Ang NPT ay sinimulan at pinagtibay noong 1970, at tuwing ika-limang taon ay nagsasagawa ng mga workshop at kumprensiya para rebisahin ang mga probisyon nito upang matiyak kung nakasusunod ang mga kasaping bansa.

    Sa taong ito, ang napiling tagapangulo ng NPT Review Conference ay si Embahador Libran Cabactulan ng Pilipinas.

    Si Cabactulan ay ang magsisilbing panauhing tagapagsalita sa talakayan ng mga kasapi ng PPI na isasagawa sa Cebu sa Miyerkoles, Pebrero 3, o matapos ang dalawang araw na workshop hinggil NPT na isasagawa sa Maynila sa Pebrero 1 hanggang 2.

    Ayon kay Cato, mahalaga para sa mga Pilipino ang NPT Conference dahil hindi lamang ito nagpapakita ng tiwala ng ibang bansa sa Pilipinas, sa halip ay maisusulong din ang pambasang interes ng Pilipinas.

    Kabilang dito ay ang kaligtasan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na matatagpuan sa mahigit 120 bansa sa mundo.

    “Kung sakaling magkaroon ng pag-atake o pagsabog sa ibang bansa, tiyak na maaapektuhan din tayo, kaya kailang matiyak na ligtas ang buong mundo sa banta ng nuclear arms,” ani Cato.

    Bukod sa mga armas na nuclear, sinabi ni Cato na kabilang din sa tatalakayin sa NPT review conference ay ang mga “peaceful uses of nuclear energy” kung saan nabibilang ang usapin hinggil sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).

    “Itanong na lang ninyo ang isyu ng BNPP sa forum,” ani Cato ng siya ay makapanayam noong Linggo ng umaga, Enero 31.

    Samantala, tatalakayin din ng mga kasapi ng PPI ang kaligtasan ng mga mamamahayag na magkokober sa panahon ng kampanya sa halalan na magsisimula sa Pebrero 10.

    Ito ay dahil na rin sa pananaw at babala ng mga samahan ng mga mamamahayag sa posibilidad ng pagtaas ng bilang ng karahasan sa darating na halalan, kung saan ay tampok na halimbawa ang pamamaslang sa 32 mamamahayag sa Maguindanao noong Nobyembre 23.

    Ang paghahanda ng mga kasapi ng PPI para sa darating na halalan ay nagsimula noong Mayo ng nakaraang taon kung kailan isinagawa ang kumbensiyon ng mga kasapi ng PPI sa temang “Reporting the 2010 elections now.”

    Ang ikatlo at huling bahagi ng nasabing paghahada ay may tema namang “Ready for Elections.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here