Home Opinion Kaligtasan

Kaligtasan

1538
0
SHARE

NAIKWENTO NI Bishop Broderick Pabillo na minsan daw, sa isang recollection, ipinasulat niya sa mga participants sa kapirasong papel ang unang pumasok sa isip nila kapag nababanggit ang salitang “PASKO.” Halos lahat daw, ang isinulat ay “MASAYA.” Pero nang tanungin sila kung ano para sa kanila ang “NAGPAPASAYA SA PASKO?, doon na daw nagkaiba-iba ang mga sagot. May nagsabing mga parol, Christmas lights at Christmas tree ang nagpapasaya. May nagsabing Christmas parties, exchange gifts, at masarap na kainan. May nagsabing carolling, simbang gabi, at aguinaldo. Wala daw ni isa nagsabing ang nagpapasaya sa Pasko ay si Kristo at ang hatid niyang KALIGTASAN.

Kaya siguro madalas nating marinig ang panawagan—IBALIK SI KRISTO SA KRISMAS. Ano nga ba naman ang saysay ng Pasko kung alisin mo si Hesus? At ang pangalang HESUS ay galing sa Hebreong YESHUA, na ang ibig sabihin ay “ANG DIYOS AY NAGLILIGTAS.” Ang Pasko ay tungkol sa KALIGTASANG hatid ng pagdating ni Hesus sa daigdig.

Minsan, ako rin, tulad ng ginawa ni Bishop Pabillo, ay nagtanong sa mga participants sa isang recollection. Ang tanong ko naman ay, “Ano ang ibig sabihin ng KALIGTASAN para sa iyo?” Iisa lang ang nakuha kong sagot sa kanilang lahat: LANGIT. Mas elaborate lang nang konti ang sagot ng iba. Halimbawa, sabi ng isa, “Gantimpalang langit sa kabilang buhay.” May nagsabing “Ang sumalangit daw ang kaluluwa pagkamatay imbes na suma-impyerno.”

Ibig sabihin, ang karaniwang intindi ngayon sa kaligtasan ay ang mapunta ng langit ang kaluluwa ng tao, matapos na siya’y pumanaw sa pisikal na buhay dito sa mundo. Na para bang ang kaligtasan ay walang kinalaman sa aktwal na buhay dito sa mundo. Siguro dahil alam natin na ang katawan, ang daigdig, ang materyal at pisikal na buhay ay lilipas lang, mabubulok, mawawala. Palagay ko iyon ang dahilan kung bakit nawawalan ng paggalang sa kalikasan ang marami, at kung bakit malakas ang tendency natin na abusuhin ang ating pisikal na kalusugan. Di nga ba may mga taong ang katwiran ay, mamamatay din lang naman e ba’t di pa magpasasa?

Hindi malayo na ito rin ang dahilan kung bakit sa kaisipan ng marami, ang relihiyon ay walang kinalaman sa buhay dito sa mundo o sa buhay panlipunan. Na para bang wala namang kuwenta ang buhay dito sa mundo. Kaya siguro napaka-negatibo ng kahulugan sa Tagalog ng “makamundo” o kahit ng Ingles na “worldly,” na para bang masama ang mundo.

Huwag ho sana kayong mabibigla pero ang ganitong pag-iisip ay hindi Kristiyano at malayong malayo sa kahulugan ng KALIGTASAN ayon sa Bibliya. Di ba ninyo narinig mula sa propeta Isaias sa ating first reading ang paglalarawan niya ng kaligtasan? “Liwanag sa isang bayang matagal nang nasa kadiliman… panunumbalik ng sigla at tuwa na tulad daw ng panahon ng anihan… Paglaya sa mga kaaway na umalipin sa kanila.” Sabi pa ng propeta, “Ang kaligtasan ay tulad ng mga taong ‘naghahati ng nasamsam na kayamanan.’”

Isipin mo kung gaanong saya nga naman ang idudulot kung maibalik sa mga taumbayan, lalo na sa mahihirap, ang lahat ng mga kayamanang ninakaw ng lahat ng mga nangurakot sa gubyerno? Lalo na sa mga panahong ito ng pandemya at kalamidad? Ganito ka-kongkreto ang mga larawan ng kaligtasan sa Bibliya. Kapag “nabali na daw ang panghambalos ng mga nagpapahirap sa kanila.” Kapag ang kapangyarihan sa pamamahala ay mapapasakamay na mga taong may mabuting kalooban o ng mga tunay na alagad ng kapayapaan na magpapalaganap ng katarungan at kaginhawaan at kapayapaan.

Sa ating second reading, sabi ni San Pablo, “Inihayag ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng KALIGTASAN sa lahat ng tao.” Hindi niya sinabing kaligtasan lang para sa mga Hudyo o para sa mga Kristiyano kundi PARA SA LAHAT NG TAO. Hindi lang gantimpalang langit para sa kaluluwa pagkamatay, kundi paghahari ng kalooban ng Diyos sa mundo upang ang dito sa lupa ay maging simula na ng langit.

Ito aniya ay mangyayari kung tatalikdan natin ang “likong pamumuhay.” Di ba ganoon ang pahayag ni Juan Bautista nang simulan natin ang adbiyento? Na ang daan ng kaligtasan ay ang landas ng pagpapantay, at pagpapatag: pagbababa sa matataas at pagtataas sa mga mababa, pagtutuwid sa baluktot at pagpipino sa magaspang?

Narinig din natin sa pahayag ng anghel sa mga pastol ng Belen na nagbukas ng pinto sa Anak ng Diyos? “Ako’y may dalang mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa LAHAT NG TAO.” Ayun, naulit na naman—hindi lang daw para sa iilan kundi para sa lahat. At para kanino ang mabuting balitang ito? Para sa mga taong may mabuting kalooban.

Ang tunay na saya na dulot ng Pasko ay ang kaligtasang hatid ni Kristo sa sangkatauhan. Sabi nga ng simula ng sulat sa mga Hebreo, “Noong una, naghahatid ng kaligtasan ang Diyos sa pamamagitan ng mga sugo at propeta. Ngunit nitong mga huling araw, nangusap siya sa atin sa pamamagitan ng sariling Anak niya.” (Sabi ni Bishop Pabillo, “Ang kaligtasan ay hindi na mensahe kundi ang Diyos na mismo.”)

Binigyan ni Hesus ng anyo ang Diyos ng habag at malasakit. Hindi lang Salita ng Diyos ang ibinahagi niya sa mga nagugutom; pagkain din. Hindi lang aliw ang hatid niya sa mga maysakit; paghilom din. Hindi panghuhusga ang hatid niya sa makasalanan kundi patawad, pagbabalik-loob, at papakikipagkasundo.

Ito raw ang orihinal na exchange gifts sa pagitan ng Diyos at tao. “We gave him our humanity; he gave us his divinity.” (Pabillo) Ang sinumang handang mag-regalo sa Diyos ng kanilang abang pagkatao, ay reregaluhin din ng Diyos ng kanyang pagkaDiyos. Ang bawat taong may mabuting kalooban ay nagiging Belen, nagiging tahanan ng Diyos na nagliligtas. Nagiging kaisa ng Anak ng Diyos sa misyon ng pagliligtas, upang ang dito sa lupa ay maging para nang sa langit. Maligayang Paskong Pagsilang po sa ating lahat.

(Homiliya Para sa Hatinggabi ng Pasko ng Pagsilang, Lukas 2:1-14)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here