PULILAN, Bulacan (PIA) — Puspusan ang ginagawang rehabilitasyon sa mga pangunahing interchanges ng North Luzon Expressway (NLEX) upang mapabuti ang kalidad ng kalsada papasok at palabas nito.
Unang natapos at muling binuksan sa trapiko ang northbound ramp para sa Pulilan entry na daanan patungo sa direksiyon ng Pampanga.
Ayon kay NLEX Corporation Assistant Vice President for Traffic Operations Robin Ignacio, bukas na rin sa trapiko ang Pulilan southbound exit na daanan papasok sa bayan ng Pulilan mula sa Pampanga.
Sinimulan na rin ang pagsasaayos ng kalsada sa ilalim ng Pulilan interchange na bahagi ng Pulilan-Calumpit Road.

Isusunod naman ang rehabilitasyon ng Pulilan southbound entry o ang direksiyon na paluwas sa Metro Manila.
Ang kasunod na Sta. Rita Interchange ay muling isinaayos partikular ang 150-meter na bahagi o leftmost lane.
Sa Balagtas Interchange na nagsisilbing gateway ng Plaridel Arterial Bypass Road, kinukumpuni ang mga dugtungan ng girders o ang pinaglalatagan ng kalsada sa isang istraktura ng tulay.
Inaasahan namang muling bubuksan sa trapiko sa Marso 19 ang Tambubong southbound entry ramp sa Bocaue, Bulacan.
Kasalukuyang isinasailalim sa rehabilitasyon ang kalsadang nagkakabit mula sa Tambubong toll plaza papasok sa NLEX at-grade.
Pinayuhan ng NLEX Corporation ang mga motorist na gamitin ng mga apektadong motorista sa pagsasara ng Tambubong south entry ramp, ang Ciudad de Victoria at Bocaue interchanges.
Sa lungsod ng Meycauayan, nakatutok ang rehabilitasyon ng mga kalsada partikular sa eastbound ng Meycauayan Interchange Bridge o papunta sa direksiyon ng Novaliches sa Quezon City, at sa westbound nito na papunta sa downtown ng Meycauayan City.
Kaugnay nito, pansamantalang isasara sa trapiko ang rightmost lane o ang pinakakanang linya ng Meycauayan bridge sa NLEX upang bigyang daana ng pagkukumpuni hanggang Marso 26, 2026.
Dahil dito, kabilang sa mga inilatag na alternatibong ruta na uubrang daanan habang ginagawa ito, ang East Service Road partikular mula sa Ever Memorial Garden patungo sa Libtong.
Madadaanan ang mga kalye ng Sapang Bakaw, Punturin, P. Faustino, Langka at Sampaloc.
Habang inayos din ang leftmost lane ng Valenzuela Interchange Bridge patungo sa direksiyon ng Manila North Road o Mac Arthur Highway, at ang rightmost lane ng southbound nitong interchange.
Mayroon ding ginawang pagsasaayos sa New Novaliches Flyover.
Samantala, may 150 meter na bahagi ng San Simon Interchange sa Pampanga ang inaayos partikular ang leftmost lane. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



