Muling naging sentro ng atraksyon ang mga lumuluhod na kalabaw sa Pulilan, Bulacan noong Sabado sa pagdiriwang ng piyesta ni San Isidro Labrador. Sa paglahok ng mga magsasaka sa parada, ay naaarkila ang kanilang kalabaw kaya’t kahit sa kalsada ay kumikita ang mga ito na karaniwang sa bukid makikita. Kuha ni Dino Balabo
PULILAN, Bulacan—Sa bukid man o kalsada, katulong ng mga magsasaka ang kalabaw sa pagahahanap-buhay.
Ito ay muling napatunayan sa pagsasagawa ng taunang Kneeling Carabao Festival sa bayang ito noong Mayo 14 kung saan ay mahigit sa 450 kalabaw ang ipinarada at lumuhod.
Ayon sa mga opisyal ng turismo, ang nasabing bilang ang pinakamaraming kalabaw na inilahok sa nasabing pagdiriwang ng piyesta ni San Isidro Labrador, ang patron ng mga magsasaka.
Ngunit ayon sa mga lumahok na magsasaka tulad ni Armando Espiritu Sr., may pagkakataon na libo-libong kalabaw ang inilahok sa pagparada, kaya’t matapos ang pagdiriwang ay hindi madaanan ang kalsada sa dami ng naiwang dumi ng kalabaw.
Katulad sa mga nagdang taon, dinumog ng libo-libong tao ang pagdiriwang noong Sabado.
Marami sa kanila ay nasa gilid ng kalsada, ang iba ay nakadungaw sa mga bintana, at ang iba ay umakyat pa sa mga bakod at bubong ng bahay.
Ngunit hindi lamang sila basta nanood sa pagdiriwang, sa halip, inilabas ang kanilang mga camera at cellular phone upang kunan ng larawan ang mga hayop na katulong sa bukid.
Ilan sa mga kalabaw na ipinarada ay binihisan pa, samantalang ang iba ay humila ng mga karitong dinisenyuhan ng ibat-ibang kumpanya bilang bahagi ng kanilang promosyon.
Halos 100 ding karitong hila ng mga kalabaw ang ipinarada, at bawat isa sa mga kalabaw na humila doon ay binayaran ng kumpanya na nagsagawa ng promosyon ng kanilang produkto o serbisyo.
Isa si Celerino Caluag, 66 sa mga magsasakang may alagang kalabaw na inarkila ng kumpanya.
Bukod sa matitikas ang kanyang tatlong kalabaw, pininturahan pa ang mga ito ng kulay berde sa paglahok sa parada, kaya’t lalo itong naging agaw pansin.
Inamin ni Caluag na nagbayad sa kaniya ang East West Seeds Company mula sa bayan ng San Rafael upang magamit ang kanyang mga alaga.
Ngunit hindi niya inihayag ang halaga, sa halip ay nakangiting sinabina “konti lang, pambili lang ng darak.”
Ikinuwento rin niya na kung saan-saan siya nakararating dahil sa naaarkila ang kanyang tatlong lumuluhod na kalabaw.
“Noong nakaraang buwan, nasa Clark sa Pampanga kami dahil pinaluhod ang mga kalabaw ko sa pagsalubong sa mga bisitang foreigner,” ani Caluag na mas kilala sa tawag na Ka Celing.
Maging sa taunang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan na tinatampukan ng parada sa Luneta ay naaarkila ang mga kalabaw ni Ka Celing.
Ang totoo, mula pa sa panahon ng lolo ni Ka Celing ay naaarkila na ang kanilang alagang kalabaw.
“Tradisyon na ito sa aming pamilya,” aniya at sinabing kahit hind imaarkila ang kanyang mga alaga ay lumalahok siya sa taunang parada bilang pasasalamat sa Diyos.
Kabilang sa pasasalamat niya ay ang biyaya sa ani at panalangin para sa magandang ani sa susunod na taon.
Nais pang ipagpatuloy ni Ka Celing ang tradisyon ng kanyang pamilya, ngunit sinabi niya na iba ang hilig sa kasalukuyan ng kanyang mga anak.
“Maipagpapatuloy pa ang pagsasaka dahil kahit babae ngayon pwedeng mamahala sa bukid, pero hindi nila hilig itong pagsali sa mga parada ng kalabaw,” ani Ka Celing.
Ang parada ng mga kalabaw ay nagsimula alas-2 ng hapon noong Sabado, kaya’t nagtiis sa ilalim ng masanting na init ng araw ang mga kalahok na mga magsasaka at kalabaw, at maging mga manonood.
Ilan sa kanila ay napilitang buhusan ng tubig ang alagang kalabaw upang makatighaw sa init ng panahon.
Samantalang ang iba ay nagdasal na umulan.
Hindi naman sila nabigo dahil pagkatapos na pagkatapos ng parada bandang alas 4:30 ng hapon ay biglang bumuhos ang malakas na ulan, na ayon sa mga residente ay noon lamang nangyari sa mahabang kasaysayan ng taunang parada.
Dahil dito, agad ding nagsipasok sa mga bahay ang mga manonood sa gilid ng kalsada, at sa kanilang paglisan ay natambad ang mga basurang naiwan sa gilid ng kalsada.
Ayon sa mga opisyal ng turismo sa lalawigan at sa bayan ng Pulilan, magsasagawa sila ng paglilinis sa kalsada.
Ngunit ang pahayag na ito ay hindi sapat dahil malinaw na hindi bahagi ng kanilang programa at mga pagpaplano sa pagsasagawa ng piyesta ang kalinisan na noon pang Hulyo ay sinimulan ni Gob. Alvarado bilang pangunanghing kampanya ng kanyang administrasyon.
Dahil sa pagpapaalala sa kampanya ni Alvarado, nangako ang mga opisyal ng turismo na gagawin nilang bahagi ang kampanya sa kalinisan sa bawat pag-oorganisa ng mga piyesta.